Buhay pa ang tsansa ng Pilipinas sa Paris Olympics.
Muntikang mapagsarhan, pero nagawan ng paraan ng Gilas Pilipinas na magmartsa sa semifinals ng FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Riga, Latvia.
Bumalikwas mula 20-point down ang Filipinos bago naubusan at isinuko ang manipis na 96-94 desisyon pabor sa Georgia Huwebes ng gabi.
Kung natalo ng 19 points o higit pa ang ‘Pinas, Crusaders ang uusad. Mula sa Group A, Latvia at PH 5 ang aabante sa final four. Ang winner ng OQT lang ang bibiyahe sa Paris.
Sa free throws ni Goga Bitadze para sa 96-93 edge ng Georgia, pinabiyahe sa stripe si Chris Newsome 2.2 seconds na lang. Pasok ang unang free throw ni Newsome, sablay ang pangalawa at tinangkang ibalik sa basket ng isang player ng Georgia pero hindi pumasok ang bola.
Kung counted ang putback at nag-overtime, baka natalo pa ang Gilas.
Rumatsada ng 16-0 start ang Georgia bago pumasok sa scoreboard ang Filipinos nang mahulog ang tres ni Justin Brownlee sa 4:50-minute mark na ng opening period.
Dumistansiya na ang Georgia 40-20, nagkasa ng 19-5 attack ang mga Pinoy na inumpisahan ng short jumper ni Kai Sotto na pumasok sa kabila ng unsportsmanlike foul ni Joe Thomasson 6:42 sa second. Iwan pa ang Pilipinas 55-43 sa half.
Sa pangunguna ni Brownlee, unti-unting kinain ng Gilas ang lead, itinabla ng tres ni Carl Tamayo sa 67 hanggang sa unang pagkakataon ay agawin ang manibela 71-70 sa free throws ni Dwight Ramos. Magkabuhol na sa 74-74 pagkatapos ng three.
Pagdating ng final stanza, si CJ Perez naman ang nag-take charge nang kamadahin ang 12 points niya sa quarter.
Solido rin ang pinakita ni June Mar Fajardo.
Maangas ang 3-point shooting ng Nationals sa 13 for 23 shooting, walo rito ang sama-samang ibinaon nina Ramos at Brownlee.
Tumapos muli ng near triple-double na 28 points, 8 rebounds, 8 assists si Brownlee, 16-5-4 si Ramos at 14 markers kay Perez na perpektong 6/6 sa field. May 13 points, 6 assists si Newsome. Sorpresang inari pa ng Pinoy quintet ang boards 36-28 laban sa mas matataas na Georgians.
Namuno sa Crusaders ang 26 ni Alexander Mamukelashvili at 21 points, 11 rebounds ni Bitadze.
Iskor
Georgia 96 – Mamukelashvili 26, Bitadze 21, Shengelia 17, Thomasson 14, Sanadze 13, Andronikashvili 5, Jintcharadze 0, Korsantia 0, Ochikhikidze 0, Londaridze 0.
Philippines 94 – Brownlee 28, Ramos 16, Perez 14, Newsome 13, Tamayo 7, Fajardo 6, Sotto 4, Oftana 4, Aguilar 2, Quiambao 0.
Quarters: 28-17, 55-43, 74-74, 96-94. (Vladi Eduarte)
The post Justin Brownlee ikinasa ‘Pinas hanggang sa huli, sokpa sa ‘F4’ first appeared on Abante Tonite.
0 Comments