A tremendous amount of needless pain and suffering can be eliminated by ensuring that health insurance is universally available.”
– Daniel Akaka
Ang kontrobersyal na P89.9 bilyon na sobrang pondo ng Philippine Health Insurance Corp. o PhilHealth ay galing pala sa subsidiya ng gobyerno.
Ito ang binigyang linaw ni PhilHealth Senior Vice President si Dr. Israel Francis Pargas sa naging panayam namin ni Connie Sison sa One on One: Walang Personalan sa Super Radyo DZBB .
Ang P89.9 bilyon na subsidiya ay para suportahan ang mga walang kakayahan na mamamayan na ‘di makabayad sa PhilHealth, kabilang ang senior citizens at persons with disabilities (PWD) .
Binanggit ni Pargas na ang paglipat ng ‘idle fund’ o hindi nagagamit na pera ng mga Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs) ay alinsunod sa utos ng Kongreso sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) of 2024 para pondohan ang Unprogrammed Appropriations .
Sumusunod lang umano sila sa inilabas na DOF Circular No. 003-2024 ni Department of Finance Sec Ralph Recto na ibalik sa National Treasury ang labis na subsidyo para magamit sa iba pang programa ng gobyerno .
Ang naunang P20 bilyon sa mga ito ay ginamit para pondohan ang mahigit P27-bilyong hindi pa nababayarang na health worker sa panahon ng COVID 19 pandemic.
Eh binigay na pala ‘yan ng gobyerno para sa problemang pangkalusugan ng mga Pilipino eh bakit pa babawiin ?
Hindi maaaring sabihin na ang pondo ng PhilHealth ay hindi nagagamit . Oras-oras ay may nagkakasakit na mga Pilipino . Araw-araw ay may nagkaka-problema sa pambayad sa ospital o pambili ng gamot.
Malaki ang maitutulong ng P89.9 bilyon sa buhay ng bawat Pilipino . Dapat na ito ay gamitin ‘lamang’ sa kanila at hindi sa iba pang mga programa ng gobyerno .
Bakit kailangan ng gobyerno na magbalangkas ng mga programa na wala pang tiyak na pera para ito ay matustusan ?
Hangga’t may problema , walang pera na sobra !
Ang paglilipat ba ng sobrang po do ba ay dinisensyo ng mga halal na politiko sa General Approriations Act (GAA) para sa katiwalian ?
Bakit kasi kailangan na maglagay ng pagkalaki-laking subsidiya sa isang GOCC at maaari palang kuhanin at ilipat ito ?
Ang isa sa takdang suportahan ay mga proyentong pang-imprastraktura . Hmmmm sino ba ang may kaibigan ng mga kontratista ?
At sinadya bang ito ay mangyari ilang buwan bago ang susunod na eleksyon ? Parang nagpatabi lang sila ng pera na nanakawin ?
Sa susunod na budget sa 2025, may nakalaan na P70 bilyon na subsidiya ang gobyerno sa PhilHealth . Marami na naman ang nanlaki ang mga mata diyan !
Panawagan natin sa mga nasa PhilHealth , ubusin ang subsidiya sa mga pasyente nangangailangan . Huwag ipagdamot .
Pagaanin natin ang buhay ng bawat Pilipino na wala nang aalalahanin pag sila ay nasa ospital . Hindi na sila maabon sa utang o mamatay ng dilat ang mga mata.
Karapatan ng gobyerno na sila ay alagaan , hindi kupitan !
Walang Personalan !
The post PhillHealth ubusin ang subsidiya para sa mga pasyente first appeared on Abante Tonite.
0 Comments