Sa itinakdang deliberasyon para sa P6.352 trilyong pambansang badyet, iminungkahi ng isang dating opisyal ng gobyerno na panahon na para ipakita sa mga mambabatas ang pangangailangan ng pagtaas ng pondo para sa pangkalahatang pagpapaunlad ng sports upang makaakit pa ng mas maraming atletang makakasungkit ng gintong medalya.
“Ang tagumpay ni Carlos Yulo ay nagpapakita ng potensyal ng ating mga atleta kapag binibigyan sila ng sapat na suporta at mga resources. Upang makahakot pa ng mga ginto at karangalan sa ating bansa sa hinaharap, mahalagang mag-invest tayo ng mas marami sa mga programa, pasilidad, at pagsasanay para sa pagpapaunlad ng isports. Hindi lamang nito palalakasin ang kakayahan ng ating mga atleta kundi magpupukaw din ng isang kultura ng kahusayan sa isports sa Pilipinas,” ayon kay Atty. Nicasio Conti, ex-commissioner ng Presidential Anti-Graft Commission, dating Maritime Industry Authority OIC at ngayon ay Capstone Intel Corp.
Binigyan-diin ito ng dating hepe ng PAGC, matapos na makopo ng 2024 Olympic gold medalist na si Yulo ang dalawang gintong medalya sa Pole vault finals.
Ayon kay Conti, ang pagkakapanalong ito ng pambato ng Pinas ay nangangahulugan ring kayang makipagtagisan ng ating mga atleta sa pinakamalalaking palaro sa buong mundo gaya ng Olympics. Kasabay nito’y hinangaan ng dating government official ang dedikasyon, sipag, at tiyaga ni Yulo na gumuhit ng makasaysayang tagumpay.
“Muling pinatunayan ni Carlos Yulo na kayang makipagkumpitensya at magtagumpay ng mga atletang Pilipino sa pandaigdigang entablado. Ang kanyang mga nagawa ay nagsisilbing inspirasyon sa lahat ng mga nagnanais maging atleta sa Pilipinas,” dagdag pa nito.
Nanatiling nakatuon ang Capstone Intel Corp sa pagsuporta sa mga inisyatiba na nagtataguyod ng paglago at pag-unlad ng isports sa Pilipinas.
Naniniwala ang kompanya na sa pamamagitan ng dagdag na pondo at suporta mula sa gobyerno, makakamit ng mga atletang Pilipino ang mas mataas na antas at patuloy na magdadala ng karangalan sa bansa.
The post Suporta, budget pa sa atletang Pinoy, iminungkahi first appeared on Abante Tonite.
0 Comments