Ibinulsa ng Pilipinas ang apat na gold at dalawang silver medal mula kina Lovely Inan at Angeline Colonia sa patuloy na idinaraos na 55th International Weightlifting Federation (IWF) World Junior Championships sa Leon, Spain.
Kuminang nitong Huwebes (Biyernes sa Manila) si Inan sa women’s 49-kilogram sa pangunguna sa total lift 179 kilos kontra kina Karoll Dahyanne Lopez Alvarez ng Colombia (178kg) at Lucia Gonzalez Borrego ng host country (170kg).
Nakuha pa ng batang Pinay na mula sa Pep Project ang gold sa clean and
jerk sa 100kg lift, at silver sa snatch sa likod ng 79kg lift.
Nagdagdag ng tatlong medalya para rin sa bansa sa dalawang tagumpay at isang pagsegunda si Colonia sa women’s 45kg.
May total lift 162kg siya para sa unang puwesto laban kina Khemika Kamnoedsri ng Thailand at Ioana Miron ng Romania. Pumrimera at ikalawa pa siya sa clean & jerk at sa snatch.
Kinapos na makamedalya sina Rose Jean Ramos, Eron Borres, at Prinsipe Kiel Delos Santos sa kani-kanilang mga event.
Pero pwede pang madagdagan ang mga karangalan ng bansa pagsabak nina Jodie Peralta (women’s 55kg) at Albert Ian Delos Santos (men’s 67kg).
Nasa 350 lifters mula sa 64 na mga bansa ang kalahok sa siyam na araw na torneong nagbukas noong Sept. 19 at matatapos sa Sept. 27. (Lito Oredo)
The post Lovely Inan, Angeline Colonia nag-gold sa Spain IWF Juniors first appeared on Abante Tonite.
0 Comments