Sikyo sa ospital sinalisi ng `Sigue Sigue’

Inaresto ng mga security guard ng Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang isang 30-anyos na lalaking sumalisi sa pitaka ng isang guwardiya sa may pharmacy section ng pagamutan kahapon ng umaga sa Sta. Cruz, Maynila.

Itinurn-over sa Manila Police District – Police Station 3, ang suspek na si Carlito Biron Jr., 30, miyembro ng Sigue Sigue Sputnik Gang, at taga-Lot 9, Pabahay 2000, Muzon, Bulacan.

Sa imbestigasyon ng MPD-PS13, naganap ang insidente alas-7:10 ng umaga nang ilapag ng biktima na si Veriano Gumanad, 26, security guard, sa lamesa ang kanyang pitaka na may lamang P1,000 habang inaasistehan ang ilang pasyente.

Lumapit umano ang suspek at nang makakita ng oportunidad ay kinuha ang pitaka ng biktima.

Nakita ng babaeng security guard na si Paula Jane Dacaymat, 25, ang ginawa ng suspek dahilan para arestuhin ito sa tulong ng ibang security guard at nabawi ang pitaka ng biktima.

Sinampahan ng kasong theft sa Manila Prosecutors Office ang suspek. (Juliet de Loza-Cudia)

The post Sikyo sa ospital sinalisi ng `Sigue Sigue’ first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments