Ang pamilyang Duterte, sa harap ng sunod-sunod na mga imbestigasyon sa kanilang mga kasalanan sa mamamayan, ay tila humaharap sa isang “momentum issue”— isang kalagayan kung saan ang bawat hakbang nila upang mag-politically survive ay nauudlot ng sarili nilang mga kapalpakan. Habang sinisikap ni dating pangulong Rodrigo Duterte na gawing pagkakataon ang mga imbestigasyon sa Kongreso upang ikonsolida ang kanyang base at ihanda ang sarili laban sa International Criminal Court (ICC), kabaligtaran naman ang nangyayari kay Bise Presidente Sara Duterte. Sa halip na maging katuwang sa muling pagpapalakas ng kanilang “political brand”, siya ay nagiging pabigat dahil sa sunod-sunod na iskandalo, partikular na ang kontrobersyal na paggamit ng multi-milyong confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President (OVP). Sabi nga nila, “lulustayin na lang ang pera, hindi pa ginalingan.”
Ang ICC at ang “war on drugs”
Ang imbestigasyon ng ICC sa “crimes against humanity” kaugnay ng “war on drugs” ni Rodrigo Duterte ay isang nakakapasong usapin na hindi kayang takasan ng dating pangulo. Sa harap ng mga mambabatas, buong yabang niyang sinabi na inaako niya ang lahat ng responsibilidad sa mga nangyari, sabay-kutya sa ICC na pumunta na sa Pilipinas upang siya’y imbestigahan. Wait, teka! Siya mismo ang nag-withdraw ng Pilipinas sa ICC, ‘di ba? So, sino ang niloloko niya rito? Kumbaga, para siyang nag-imbita ng kaaway sa bahay niya… tapos sinarhan ang pinto. Kaya ang dating tuloy: “Martyr complex” meets “escape artist.”
Ngunit higit sa “war on drugs,” lumalabas ngayon ang mas maselang koneksyon ni Duterte sa mga drug lord at kanilang drug money. Isang seryosong akusasyon na unang inilantad ni dating senador Antonio Trillanes, at muling kanyang pinatampok sa House Quad Comm hearing. Kung ang “war on drugs” ay pumatay ng libo-libong Pilipino, ang tanong: Sino ang totoong nakinabang dito? Ito ang pangunahing vulnerability ng dating pangulo na patuloy na umiigting habang lumalapit ang mga imbestigasyon.
VP Sara: Korap? Inutil? O Pareho?
Samantala, si VP Sara naman ay tila nananalo sa awards night para sa “Pinakamalaking Iskandalo ng Taon.” Ang “Piattos Scandal,” na bahagi pa rin ng kontrobersiyal na paggamit ng multi-milyong confidential at intelligence funds ng OVP, ay tila isang maitim na ulap na bumabalot sa kanilang pamilya. Ang isyu ng hindi maipaliwanag na mga resibo— na nagtatampok ng mga kakaibang pangalan mula sa isang restaurant at mga snack item tulad ng Mary Grace Piattos, Oishi, Nova, Tempura, atbp.— ay parang shopping list ng isang waldasera. Mahilig ba sa junk food ang lumustay ng intelligence funds? Ano ‘yon, mga espiyang mahilig sa chichirya?
At ano ang depensa ni VP Sara? “Hindi ko ‘yan kasalanan, wala akong alam diyan!” Parang linya ng isang estudyanteng hindi gumawa ng group project. Ngunit ito ang nakakatawa: Ang mga iskandalo ni VP Sara ay hindi lang simpleng usapin ng korapsiyon; ito na rin ay isang case study sa kawalan ng kakayahan. Ang tanong: Korap ba siya? Tangang inutil? O parehong korap na inutil? Kayo na ang humusga.
“Kapal at kapalpakan”
Habang todo-effort si Digong na muling buhayin ang kanilang political brand, si Sara naman ang nagiging ultimate PR nightmare. Ang dating imahe nilang “tapang at malasakit” ay mukhang nag-evolve na sa “kapal at kapalpakan.”
Pati ang Quad Committee ng Kongreso ay parang naipit na rin sa kalituhan. Pinatatawag nila si Digong, tinutukoy ang anomalya ni Sara, pero ang tanong: Ano na? Kung mauuwi lang ito sa ningas-kugon, parang nanood lang tayo ng pilot episode ng isang promising series na walang season finale.
Duterte comeback? Bangungot ng bayan
At ito ang nakakatakot: Kung walang konkretong resulta ang mga imbestigasyon, baka mangyari ang isang Duterte comeback na parang Donald Trump sa Amerika— isang pagbabalik na nakaangkla sa galit, hinanakit, at junk food jokes. Ang tanong: Kaya ba ng ating mga demokratikong institusyon na iwasan ang ganitong bangungot? O magpapakasasa na lang ulit tayo sa drama, politika ng patayan at kapalpakan ng mga Duterte?
Abangan ang susunod na kabanata— kung may momentum pa sila o tuluyan na silang na-flat tire sa highway ng kasaysayan.
The post Ang pumalpak na estratehiya ng mga Duterte first appeared on Abante Tonite.
0 Comments