Pinagpapaliwanag ng Commission on Elections 2nd Division si San Pascual, Batangas mayoralty candidate Arlene Bantugon-Magboo kaugnay sa inihaing petisyon ni Danilo A. Aldovino laban sa kanya matapos padalhan ng summon.
Ang nasabing summon na pirmado ni Atty. Genesis M. Gatdula, Clerk of the Commission ay inilabas noong Nobyembre 28, 2024, kung saan inaatasan si Magboo na magsumite ng isang Verified Answer cum Memorandum sa loob ng limang (5) araw mula sa araw ng pagtanggap nito.
Inihain ang petisyon alinsunod sa Seksyon 78 ng Omnibus Election Code na humihiling na kanselahin ang Certificate of Candidacy (COC) ni Magboo dahil sa umano’y maling impormasyon.
Ayon sa petisyon, si Magboo, na tatlong beses na naging Board Member ng Batangas, ay nagdeklara ng paninirahan sa Barangay San Mateo, San Pascual, Batangas na taliwas sa kanyang dating deklarasyon bilang residente ng Barangay Sta. Mesa, Mabini, Batangas nang tumakbo siya bilang Board Member.
Ang paglipat ng address ni Arlene Bantugon-Magboo sa San Pascual, Batangas ay para lamang umano makalahok sa halalan, at wala umano itong “established o genuine ties” sa komunidad at hindi rin umano nito inabandona ang kanyang permanent residence sa 103 Barangay Sta. Mesa at kasalukuyang tirahan sa Barangay Gulibay, Bauan, Batangas.
Ang petisyon ay nakatuon sa kawalan ng sapat na kwalipikasyon ni Magboo sa paninirahan sa San Pascual, na isang mahalagang batayan sa kanyang kandidatura. Itinuturing itong paglabag sa batas na naglalayong tiyakin ang integridad ng halalan.
Ayon sa panuntunan ng Comelec, ang hindi pagsusumite ng verified answer sa loob ng takdang panahon ay maaaring magresulta sa pagresolba ng kaso batay lamang sa ebidensyang iniharap ng petitioner.
Ang hakbang na ito ng Comelec ay nagpapakita ng kanilang paninindigan na tiyakin ang integridad ng darating na halalan at masigurong ang mga kandidato ay sumusunod sa mga itinatakdang batas.
Sa ngayon ay wala pang reaksyon si Magboo kaugnay sa inihaing petisyon laban sa kanya.
The post COC ng San Pascual, Batangas mayoralty candidate pinakakansela first appeared on Abante Tonite.
0 Comments