`Pinas kulelat sa mga agricultural smuggling case – DOJ

Aminado ang isang opisyal ng Department of Justice (DOJ) na maliit lang ang bilang ng mga isinampang agricultural smuggling case sa Pilipinas na umabot at inuusig sa hukuman.

Bagama’t may mga batas naman kontra agricultural smuggling, may mga problema pa rin na kinakaharap ang mga awtoridad dahil sa mga legalidad.

“Agricultural smuggling is not just an enforcement problem,” pahayag ni DOJ Assistant Secretary Randolph Pascasio sa Stratbase ADR Institute Forum kung saan pinag-usapan ang mga isyu sa food security at agricultural sabotage.

Ayon kay Pascasio mula 2014 hanggang ngayong taon, nasa 547 na mga kaso ang isinampa ngunit 25% lang sa naturang bilang ang umakyat sa hukuman.

Mula sa 192 kaso na may kinalaman sa agricultural smuggling, limang porsiyento lang umano ang inuusig.

Kabilang aniya sa mga pangunahing dahilan kung bakit may mga binabasurang agricultural smuggling case ay sanhi ng procedural errors at kawalan ng dokumentasyon.

Isa sa sinisi ni Pascasio ang kapalpakan ng burukrasya sa paghahanda ng kaso laban sa mga sangkot sa agricultural smuggling.

“Bureaucratic inefficiencies have enabled smuggling,” wika ni Pascasio.

Pasado na sa Kongreso ang Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act. Sa nasabing batas, itinuring ang agricultural smuggling, hoarding, profiteering, at cartel bilang pananabotahe sa ekonomiya ng bansa.

Inaasahang palalakasin ng bagong batas ang kampanya kontra smuggling at ilan pang kaso ng pananabotahe sa ekonomiya. (Eileen Mencias)

The post `Pinas kulelat sa mga agricultural smuggling case – DOJ first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments