Hindi na iimbitahan sa susunod na pagdinig ng Quad Committee ng Kamara de Representantes si dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, Quad Committee lead chairman, sapat na ang nakuha nilang impormasyon sa dating pangulo kaugnay sa isyu ng kampanya nito kontra ilegal na droga.
Noong Nobyembre 13 humarap si Duterte sa komite matapos na imbitahan ito upang magbigay ng kanyang panig kaugnay sa kontrobersiyal na war on drugs. “No need na siguro….Because yong 12-hour, 13 hours na meeting natin sa kanya basically `yun na `yung gusto nating marinig, a little more than what he revealed or what he admitted in the Senate,” ayon kay Barbers.
Kinumpirma rin ng kongresista na mayroon nang nabubuong partial committee report matapos ang 12 pagdinig kaugnay sa extrajudicial killings sa war on drugs, criminal activities ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at illegal drug trade sa bansa.
Sinabi ni Barbers na tatawagin ito bilang “progress report” dahil magpapatuloy pa ang imbestigasyon kahit matapos ang Christmas break ng Kongreso.
Pangunahing laman ng progress report ay ang mga rekomendasyon sa mga ahensiya ng gobyerno kaugnay sa mga indibiduwal na dapat kasuhan gayundin ang isinusulong na panukalang batas. (Eralyn Prado)
The post Ex-president Duterte etsapuwera na sa Quad Comm hearing first appeared on Abante Tonite.
0 Comments