Ilalatag ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang mga reporma sa paglalaan at paggamit ng confidential fund, upang matugunan ang mga butas sa batas na nadiskubre sa imbestigasyon sa P612.5 milyong pondo ni Vice President Sara Duterte.
Iginiit ng chairperson ng komite na si Manila Rep. Joel Chua na kailangan ng transparency at accountability sa paggastos ng confidential fund upang matiyak na tama ang paggamit nito.
“Ang isa po sa mga recommendation namin dyan ay ‘pag ang confidential fund ay nabigyan ng Notice of Disallowance, ito po ay mawawala po ‘yung confidentiality ng nature ng pondo at ito’y pwede nang usisain nang maigi,” sabi ni Chua sa isang panayam sa radyo.
Sinabi ni Chua na tinitingnan din nila ang paglimita sa mga ahensiya na maaaring magkaroon ng confidential fund.
“Dapat limitado lang ang mga ahensiya o mga departamento na binibigyan ng confidential fund, lalong-lalo na ‘yung mga ahensya at departamento na walang kinalaman sa intelligence gathering, sa national security, saka sa peace and order,” punto ni Chua.
Nadiskubre sa imbestigasyon ng komite ang paggamit umano ng mga pekeng pangalan sa mga acknowledgment receipt na ginamit upang bigyang katwiran ang paggastos ng confidential funds.
Bistado rin ang pagbibigay ng pondo sa mga hindi awtorisadong indibiduwal, at ang kuwestiyonableng paggamit nito sa mamahaling mga safe house at youth leadership summits.
Sinabi ni Chua na isusulong nito na maalis ang confidentiality ng pondo kapag naglabas ang Commission on Audit (COA) ng Notice of Disallowance sa ginawang paggastos nito para mas madaling imbestigahan.
Inimbestigahan ng komite ang confidential fund ni Duterte matapos maglabas ang COA ng Notice of Disallowance sa ginawang paggastos sa P73 milyong pondo na bahagi ng P125 milyon na naubos sa loob lang ng 11 araw noong 2022. (Billy Begas)
The post Kongreso babaguhin kalakaran sa confidential fund first appeared on Abante Tonite.
0 Comments