Imported rice bumabaha, papalo sa 4.7 milyong tonelada ngayong taon

Inaasahang papalo sa 4.7 milyong metriko tonelada ang rice import ng Pilipinas ngayong taon upang tugunan ang epekto ng mga kalamidad sa produksyon ng palay, ayon sa pahayag ng Department of Agriculture (DA) nitong Martes, Disyembre 17.

Ginamit na basehan ng DA ang datos ng Bureau of Plant Industry (BPI) kung saan umabot na umano sa 4.48 milyong metriko tonelada ang kabuuang naipasok na imported rice hanggang noong Disyembre 12.

Ayon sa pahayag ni DA Spokesperson at Assistant Secretary Arnel de Mesa, tama lang ito dahil nakaranas ang bansa ng maraming kalamidad tulad ng El Niño, La Niña, at sunod-sunod na bagyo kaya kailangang mag-adjust ng merkado upang mapunan ang kakulangan sa produksyon ng palay sa bansa.

“Alam nila (merkado) kung kailan kailangang magdagdag. The market will adjust dahil mababa iyong production, they will get those deficiency sa importation,” paliwanag ng opisyal.

Sinabi ni De Mesa na makapagbibigay ng sapat na suplay ng bigas hanggang sa susunod na anihan ang inaasahang dami ng imported rice.

“`Yung imports, good for us to have three-months supply ng bigas until next year, which will be enough to carry us out until (the) next harvest season,” ani De Mesa.

Una nang kinontra ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang pag-aangkat ng mga produktong agrikultural.

Sabi ni SINAG Executive Director Jayson Cainglet, kinonsulta muna dapat ng DA ang sektor ng agrikultura bago ito humirit agad ng pag-aangkat.

Sa simpleng pakikipag-usap sa sektor, mas malalaman aniya ng DA kung gaano kalaki at kalawak ang pinsala ng nagdaang bagyo sa iba’t ibang mga pananim, ang imbentaryo at sitwasyon ng bawat commodity, ang kailangang gawing intervention ng DA at iba pang mga sangay ng pamahalaan, at mas makikipagtulungan pa ito sa sektor.

“Sinabi ng DA spokesperson na historic `yung damage and yet ang sinabi niya kaagad ay `yung need to import. There is no problem to import if there is a need,” sabi ni Cainglet.

Sa kasamaang palad, parating inuugnay aniya ang mataas na presyo ng mga bilihin sa pangangailangang mag-angkat.

Kung ang titingnan ay ang presyo sa retail, mas kailangang intindihin muna ng DA ang disconnect ng farmgate price at ng retail price, sabi ni Cainglet.

Aniya, ang kailangang gawin ay tulungang makaahon ang kabuhayan ng sektor. (PNA/Eileen Mencias)

The post Imported rice bumabaha, papalo sa 4.7 milyong tonelada ngayong taon first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments