PBBM nagpa-raffle ng 4 condo sa mga OFW

Masaya ang Pasko ng tinatayang 500 overseas Filipino worker (OFW) na umuwi mula sa Lebanon at Israel matapos pangunahan nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Unang Ginang Liza Araneta Marcos ang isang aktibidad na “Pamaskong Handog” sa Malacañang nitong Martes ng hapon, Disyembre 17.

Tampok sa aktibidad ang pa-raffle ng Malacañang ng apat na condominium unit sa Palayan City, Nueva Ecija mula sa Department of Human Settlement and Urban Development na ikinatuwa ng mga OFW.

Kabilang sa mga masuwerteng nanalo sa apat na condo unit ay sina Maan Jusay Torres, Moana Faith Molino Policarpio, Shyra Elina Sahirol, at Zyra Lansican.

Sa kanyang talumpati, kinilala ni Pangulong Marcos ang hindi matatawarang sakripisyo ng mga OFW at ang malaking kontribusyon ng mga ito sa pagsulong ng bansa.

“Kinikilala natin ang sakripisyo at tapang ng ating OFW. Huwag natin sana naman makalimutan `yung mga naiwang pamilya dito sa Pilipinas dahil nagsasakripisyo rin, dahil nami-miss kayo,” pahayag ng Pangulo.

Pinarangalan sa okasyon ang ilang natatanging OFW dahil sa ipinakitang husay sa kanilang trabaho sa ibang bansa na dapat hangaan at tularan.

Kabilang dito sina Engineer Christopher Montero na nagtrabaho sa Dubai; Johnna Moncal, household worker sa Hong Kong; Jasmin Labarda, kapitan ng barko; at Charm Mendoza, caregiver sa United Kingdom.

Bawat dumalo sa okasyon ay binigyan ng grocery packs mula sa Overseas Workers Welfare Administration, Philippine Amusement and Gaming Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office. (Aileen taliping)

The post PBBM nagpa-raffle ng 4 condo sa mga OFW first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments