“Yes, will power talaga dapat malakas.”
Nasambit ito ni Charlie Dizon, 24, matapos alalahanin ang pagkontra ng kanyang ina na pasukin niya ang showbiz.
Aminado si Charlie na sinuway niya ang kagustuhan ng ina at tumakas para mag-audition.
Si Charlie ang hinirang na Metro Manila Film Festival (MMFF) Best Actress ngayong taon dahil sa kanyang mahusay na pagganap sa pelikulang Fan Girl.
Talk of the town din si Charlie dahil isa siyang baguhan sa industriya pero nakakuha agad siya ng Best Actress trophy.
Dagdag pa rito, ang mga katunggali niya ay mga premyadong aktres gaya nina Superstar Nora Aunor, Iza Calzado, at Sylvia Sanchez.
Ang Fan Girl ang kauna-unang major role ni Charlie.
Ini-launch siya bilang isa sa Star Magic Circle 2018 noong March 2018.
Ka-batch niya sina Markus Paterson, Tony Labrusca, at Donny Pangilinan.
CHARLIE'S MOM DID NOT WANT HER TO JOIN SHOWBIZ
Ikinuwento ni Charlie na kadalasan ay hindi alam ng kanyang ina ang kanyang pag-a-audition para mag-artista.
Nagkuwento ang Kapamilya actress sa exclusive interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nitong December 30, 2020.
Tatlong taon na raw ang nakalilipas nang mag-audition siya sa Star Magic, ang talent management arm ng Kapamilya network.
“Hindi rin niya alam na nag-audition ako sa Fan Girl,” dugtong ni Charlie tungkol sa ina.
“Usually naman kasi di ko po sinasabi sa kanya kung ano po yung gagawin ko.
“Or, like, sasabihin ko na sa kanya pag sure na pag ako [ang nakuha].
“Kasi ayokong ma-disappoint pa sila pag biglang hindi pala tuloy, parang ganun.
“So ayun, nung sinabi ko, nalaman na lang po niya nung ginagawa ko na yung Fan Girl.”
Nasasabihan daw kasi niya ng kanyang ina na hindi nagbubunga ang pagpupursige niya sa auditions.
“Yung three years ago po, 'yon yung ayaw niya akong payagan.
“Kasi ‘yon po yung mag-aartista pa lang ako. Hindi pa po ako nag-aartista.
“So yung time na ‘yon, gusto niya pag naka-graduate ako, mag-focus agad ako sa work, kung ano yung course ko.”
Human Resource Management ang kurso ni Charlie noong kolehiyo.
Katwiran daw ng ina, sagabal lang ito kay Charlie para sa kanyang professional career.
Pero hindi nagpapigil si Charlie, na pumupuslit para mag-audition.
“Feeling niya pang-distract talaga yung pag-aartista, parang ganyan.
“Kasi wala naman pong artista sa amin, so wala ding nakakaintindi masyado.
“’Tapos nakuha nga po ako ng Star Magic and nila Inang [Olive Lamasan, ABS-CBN creative department head].
“Do’n nga po nila ako nakita, kaya sobrang hindi ko pinagsisisihan na tumakas ako nung araw na iyon.”
Nagmarka rin daw si Charlie kay Lamasan dahil umiiyak siya Hannah ini-interview sa audition.
Kuwento ni Charlie, “Nung kinausap niya ako, nung time po na iyon, di ko po akalain kakausapin niya ako, kasi ang dami naming artista no’n.
“’Tapos kami na po yung last batch, ‘tapos inisip ko no’n, kami yung last na five na papasok, parang ganun.
“So, iniisip ko po nun, na pagod na sila, wala na silang interes sa amin.
“’Tapos, siyempre, sobrang bago ko. I mean, ako yung walang recall dun sa mga kasama ko na nandun.
“’Tapos nung biglang tinawag po nila ako sa harap na, ‘tapos in-interview niya ako, iyak po agad ako nang iyak.
“Kasi yun po agad yung naisip ko. Sabi ng mommy ko na, ‘Naggo-go-see ka, di ka naman nakukuha,’ parang gano’n.
“So pag pinagkukuwento niya ako, yun, hindi ako nakasalita agad. Iyak ako nang iyak.
“Dun nag-start lahat.”
Sinambit kay Charlie na siya ang living proof na nagbubunga ang pagtitiyaga at pagkapit sa pangarap.
“Yes, will power talaga. Dapat malakas,” pagsang-ayon ng dalaga.
[ArticleReco:{"articles":["155842","155853","155844","155845"], "widget":"Hot Stories"}]
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
0 Comments