Claudine Barretto clarifies report that Meralco disconnected their electric supply due to unpaid bills

Mariing pinabulaanan ni Claudine Barretto na naputulan sila ng kuryente.

Ngayong araw, December 31, tumawag si Claudine sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) upang linawin ang lumabas na report sa PEP Troika nitong nakaraang December 29.

Ayon sa nakalap ng PEP Troika, kay Atty. Ferdinand Topacio nanggaling ang impormasyong walang kuryente ang bahay ni Claudine sa Quezon City.

Si Atty. Topacio ay malapit na kaibigan ni Claudine.

Ayon sa aktres, hindi sila nagkaintindihan ni Atty. Topacio nang magkusap sila sandali kaya akala nito ay naputulan sila ng kuryente.

Pahayag ni Claudine, “Ikaklaro ko lang, wala akong problema sa Meralco.

"Si Atty. Topacio, dahil sandali lang kami nag-usap, dahil dumaan siya dito sa bahay galing kina Mikey Arroyo sa La Vista, siya yung lawyer nila.”

Ang La Vista ay kalapit lamang sa village ni Claudine, ang Loyola Heights.

Pagpatuloy pa niya, “Hindi niya naintindihan, kasi magdadala sana siya ng mga gifts, hindi Christmas day.

"Hindi kami naputulan, pero nabahaan kami nung Ulysses.

“Yung buong retaining wall namin, natumba.

“So, umabot hanggang sa pool, umabot medyo sa first floor ng house namin.”

Dahil nabahaan sila, nag-check in muna raw sila ng kanyang pamilya sa isang hotel at pagkatapos ay tumuloy sila sa condo ng inang si Inday Barretto sa Bonifacio Global City, Taguig.

Lahad ni Claudine, “So ang nangyari, siyempre umalis kami, nag-hotel muna kami.

“Kasi pinalikas na kami dito sa Marikina-Quezon City yung bahay ko.

“Yung first gate is Marikina, yung second gate is Quezon City.

“So what happened was, pagdaan ni Atty. Topacio, walang ilaw, walang tao, security guard lang.

“So, ang ibang bahay, may ilaw. So ang akala niya, naputulan.

"Sabi ko sa kanya, 'Wala kaming kuryente, wala kami diyan sa bahay.'

“'Tapos akala niya naputulan ako ng kuryente.

“Ang nangyari talaga dun, hanggang ngayon, ang circuit breaker, yung main switch kailangan patayin, dahil may tubig, yung socket basa, yung saksakan.

“So, kailangan talaga patayin yung circuit breaker at saka yung main switch.”

“MAY GENERATOR KAMI”

Paglilinaw pa ni Claudine, nakabalik na sila sa kanyang bahay at ayos na ngayon ang linya ng kanilang kuryente.

Kuwento pa niya, “Ang nangyari was, two days kami sa hotel, 'tapos three days sa mommy ko sa BGC condo niya.

“Nung bumalik na kami rito nung linis na lahat, yung dining area namin at saka yung office namin at kuwarto ni Santino, walang kuryente.

“Kasi nagputukan, nag-spark, so we had to call an electrician to check lahat ng electricals dito sa loob ng bahay.

"Yun lang yun."

Dagdag pa ng 41-year-old actress, hindi sila nakararanas ng blackout dahil may generator sila. At hindi lang simpleng generator kundi pang-shooting na generator set.

Aniya, “Not for anything, never kami nakatikim ng brownout dahil may generator kami.

“Automatic na kapag namatay yung power sa village, kami lang halos ang meron.

“Kasi yung generator namin, yung generator, pang-shooting.

“Yung malaking-malaki talaga, 'yan ang gamit namin kung may brownout.”

Giit muli ni Cladine, “Walang brownout na nangyari kasi kami ang nagpatay ng main switch at circuit breaker.

“So, after five days na yun, sinigurado muna namin yung elektrisidad namin. Kasi si Santino nga, gumamit ng oven biglang pumutok, nag-spark.

“So, yun lang ang nangyari."

Paglilinaw pa niya, “Wala naman kaming problema sa Meralco, kasi hindi nga naman nagpuputol ang Meralco.

“May taga-Meralco nga na pumunta dito, ‘Ma’am, naputulan daw kayo, hindi kami nagpuputol.’

“Sabi ko, ‘Hindi, hindi, misunderstanding. Kami ang pumatay ng kuryente namin.'”

[ArticleReco:{"articles":["155857","155849","155851","155828"], "widget":"Hot Stories"}]

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

Post a Comment

0 Comments