Master Hanz Cua, may prediksiyon para sa mga artista; ano ang pampasuwerte ngayong 2021?

"Love, love, love."

Ito ang mensahe ni Feng Shui Master Hanz Chua sa bashers na pinutakti siya ng batikos dahil sa kanyang prediksyon na magiging "good year" para sa lahat ang 2020.

Mensahe pa ni Master Hanz: "No comment ako sa mga basher. Ang 2020 natin, greatly affected lahat ng tao. 

"Alam ko yung anxiety, alam ko yung worries at anger ng lahat ng tao. Pero sa 2021 natin, mag-move on na tayo.

"Walang may gusto ng COVID-19. Ang mas maganda ay magtulungan tayo.

"A new year, a new start. Hindi man maganda, again sama-sama tayo, tulung-tulong tayong lahat.

"Ingat tayo sa pagbibigay ng bash dahil marami rin po ang natatamaan. Don’t do unto others what you don’t want others to do unto you. 

Pinaunlakan ni Master Hanz ang hiling ng Cabinet Files na magbigay siya ng gabay at prediksyon para sa 2021, ang Year of the Ox. 

LUCKY COLOR

Ano ang kulay na magdadala ng pampasuwerte?

Payo ni Master Hanz: "Magsuot ng red kasi sa 2021, ang wealth or money element natin is medyo limited. Ibig sabihin, ang 2021 natin, medyo magiging difficult, hindi madali ang pasok ng kaperahan.

"Kapag nagsuot na ng red or fire element, sa feng shui ‘yan, ha? Hindi porke nagsuot ka ng red, yayaman ka na.

"Ang pagsusuot ng red, dadagdagan lang niya ang element of money or success, so puwede nating pinturahan ng red, yellow, or orange yung bahay natin.

"Puwede tayong gumamit ng mga bed sheet na fire color." 

MAGLINIS NG BAHAY

Magandang simulan daw ang bagong taon na iayos ang ilang mga kagamitan sa bahay. 

"Gawin nating maaliwalas ang bahay natin.

"Mag-display ng Ox, ilagay sa gitna ng bahay or sa sala para maging masuwerte ang 2021.

"Palitan ang kurtina ng fire colors—red, yellow, orange, at pink. Bagong taon, bagong kurtina. Palitan ang punda at bed cover. Para sa single use pink color, and red if married na.

"Palitan ang sirang bulb ng ilaw, ayusin ang tagas na gripo at ang main door. Linisin din ang stove."

UMIWAS SA SCAM

Nagbigay rin si Master Hanz ng patnubay para sa mga negosyanteng lalake at sa mga kababaihan dahil magiging laganap daw sa 2021 ang mga scam.

"Sa mga negosyanteng lalake, kailangan nilang iwasan ang mga scam. Mag-ingat sila sa mga scam.

"If it’s too good to be true, ingat yung mga negosyanteng lalake na nag-a-aspire na palaguin ang negosyo nila.

"Sa mga babae naman, medyo mainitin ang ulo nila kay Daddy. Lagi silang nag-iinit ang ulo, lagi silang nag-aaway.”

BAGONG SAKIT NA MAY KINALAMAN SA TUBIG?

Tinalakay ni Master Hanz ang mga karamdaman, pati na ang coronavirus pandemic na nagpabago ng takbo ng buong mundo at naging dahilan kaya naging biktima siya ng mga batikos.

"Pagdating sa Illness Star, nandiyan pa rin ang COVID-19. May problema pa rin tayo sa COVID.

"Based sa fortune prediction po na nakita natin, baka may bagong lumabas na sakit na may kinalaman sa tubig.

"Posibleng virus o bacteria ito na kailangang bantayan dahil baka magkaroon ng problem. May kinalaman siya sa kidney, sa stomach, at puwedeng sa brain.

"Make sure natin sa bahay natin, sa northside ng kuwarto natin, iwasan natin yung headboard ng kama natin, nasa northside.

"Anong kinalaman ng north? Diyan po nakaupo ngayon ang Illness Star. So, pwede tayong maglagay sa northside ng bahay natin ng isang basong tubig."

WHAT'S IN STORE FOR PHILIPPINE SHOWBIZ?

Kumusta ang magiging sitwasyon ng local entertainment industry sa Year of the Ox?

Sagot ni Master Hanz: "Mostly mga babae ang sisikat sa 2021. Mas maraming mga project yung mga batang babae.

"Teens ang magki-click this year dahil sa young energy ng females sa entertainment, nandiyan ang money and prosperity.

"Sa mga bagets na lalake naman, very strong sa kanila ang relationship luck. Yung male youngsters, mag-ingat lang sila sa mga scandal or third party.

"May nakita rin ako sa chart na maraming involvement ang female o mga nanay na aktres, mga artista na magkakaroon ng conflict or issues, court case, lawsuits or may kinalaman sa mga away.”

NO COMMENT SA PHILIPPINE CINEMA

Nang tanungin ng Cabinet Files ang prediksyon niya para sa industriya ng pelikulang Pilipino sa 2021, “no comment” ang sagot ni Master Hanz.

"Hindi ko masasagot kung kailan magbubukas ang mga cinema. No comment sa cinema, pero sa movie houses po, sana magbukas agad sila.

"Kapag lumabas na yung cure sa COVID, sana po mabigyan ng government para pare-parehas tayong ma-entertain. Kaya naman isinara ang mga cinema, para sa ikabubuti ng lahat ‘yon."

PRAYING FOR ABS-CBN

Ano naman ang nakikita mo na sitwasyon ng Philippine television industry sa 2021?

"Alam mo sa ABS-CBN, si Master Hanz Cua mismo ay Kapamilya, isa sa mga nawalan ng trabaho. Araw-araw ako sa Umagang Kay Ganda, meron din segment sa DZMM shows.

"Ako ay greatly affected. Isa rin ako sa mga nagdadasal na sana po ay mabigyan ng trabaho ang mga Kapamilya namin para makabalik po kami, para may hanapbuhay at siyempre, para makapagbigay kami ng information at entertainment sa mga tao.

"Sana makabalik na on air, sa radyo, sa TV ang ABS-CBN."

Sa huli, muling ipinaalaala niya na ang kanyang mga prediksyon ay "gabay" at "patnubay" lamang.

"Dagdagan ng sipag, tiyaga at determinasyon dahil ang success o failure ng buhay mo, nasa iyo pa rin," paalala ni Master Hanz. 

[ArticleReco:{"articles":["155861","155740","155857","155796"], "widget":"Hot Stories"}]

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

Post a Comment

0 Comments