5.6M COVID bakuna kasado na sa Pebrero – Galvez

Inihayag ni National Policy Against COVID-19 chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na inaasahan nilang darating na sa bansa ang nasa 5.6 milyong dose ng bakuna ngayong Pebrero.

Ayon kay Galvez, ang 5.6 milyong dose ng mga bakuna ay gawa ng Pfizer-BioNTech at AstraZeneca na manggagaling sa COVAX facility.

Sa kanyang pahayag nitong Linggo, sinabi ni Galvez na nakatanggap na siya ng liham mula kay Aurelia Nguyen, ang managing director ng World Health Organization-led COVAX facility, kung saan opisyal na umano nitong ipinabatid na makkakatanggap ang gobyerno ng Pilipinas ng mga COVID-19 bakuna mula sa mga nasabing pharmaceutical firm.

Aniya, nasa 117,000 dose ng Pfizer bakuna habang 5,500,800 hanggang 9,290,400 dose naman ng AstraZeneca vaccine ang matatanggap ng bansa mula sa COVAX facility ng WHO.

Nauna nang inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang aplikasyon ng dalawang nabanggit na pharmaceutical firm para sa emergency use authorization (EUA) ng mga ginawa nilang bakuna laban sa COVID-19.

The post 5.6M COVID bakuna kasado na sa Pebrero – Galvez first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments