Trending ngayon sa Twitter si Baguio City Mayor Benjamin Magalong dahil sa pahayag nitong nagkausap na sila ni Tim Yap at sinabi niya sa eventologist na wala itong dapat ikabahala.
Kaugnay ito ng kontrobersiya pagkatapos kumalat sa social media ang mga larawan at video na kuha sa 44th birthday celebration ni Tim sa The Manor, Baguio City, noong January 17, 2021.
Binabatikos ngayon si Yap dahil napansin ng netizens na walang suot na face mask ang ilan sa kanyang mga bisita at tila hindi sinunod ng mga ito ang mahigpit na ipinatutupad na physical distancing.
Kasama si Magalong sa mga inuulan ng batikos dahil kabilang sila ng kanyang misis na si Arlene sa mga bisita sa birthday celebration ni Yap.
May litrato ang mag-asawa na kasama si KC Concepcion, na walang suot na face mask pati ang asawa ng alkalde.
Ngayong Miyerkules ng umaga, January 27, nakapanayam ni Noli de Castro sa kanyang radio program sa DZMM si Mayor Magalong.
Dito ay binanggit ng alkalde ng Baguio City na nagkausap sila ni Tim.
Saad niya, "Nag-usap na ho kami kahapon at binanggit ko sa kanya na I understand what happened.
"Everybody was just so engrossed, was so engaged, kaya kung minsan nakakalimutan namin.
"Sabi ko sa kanya, 'But don’t worry about it. Yung tulong mo na ginagawa sa siyudad ng Baguio, promoting, saying good things about Baguio, itinulong mo sa aming mga artist, we’re considering all of these.'
"Sabi ko sa kanya, 'So, don’t you worry. We’ll have these things investigated.'"
Hindi itinanggi ni Mayor Magalong na imbitado siya sa naganap na birthday celebration ni Yap. Pero pinabulaanan nitong party ang nangyari dahil isang dinner lamang umano ito.
Sa hiwalay na panayam kay Tim ng CNN Philippines kagabi, January 26, ipinaliwanag nito ang lumabas na video kung saan sumasayaw siya at ang kanyang mga bisita.
Papunta na raw sila sa dinner nang biglang nagsayawan ang cultural dancers at niyaya silang sumayaw rin.
Pero bago at pagkatapos daw nito ay sinunod nila ang lahat ng safety protocols na ipinatutupad sa lungsod ng Baguio.
Sa panayam ni Magalong sa DZMM, tinanong siya ni De Castro kung anong aksyon ang gagawin niya sa paglabag ng mga bisita sa ordinansa ng Baguio City na may kinalaman sa kampanya at pag-iingat laban sa coronavirus pandemic.
Sagot ng alkalde, "Unang-una po, ganito na yung ginawa naming aksyon, sinulatan na po natin ang Manor to explain po yung nangyaring insidente.
"At the same time, pinapunta na po natin yung legal officer po doon kahapon."
TIM YAP BOUGHT PAINTINGS FROM BAGUIO ARTISTS
Dahil lumabas sa social media ang larawan nila ng kanyang asawa na kuha sa birthday celebration ni Tim, si Mayor Magalong ang kusang-loob na nagkuwento tungkol sa kanilang pagdalo.
"I just would like to clarify, I was there, Manong Noli, I was there. Nandoon ho ako, inimbita ho ako.
"Because nang nangyari po noon, prior to that, si Mr. Tim Yap and his group, nagpunta po doon sa aming art exhibit at ang dami ho nilang nabiling art, paintings, para ho sa mga...
"Alam niyo naman yung mga artist namin, local artists namin, talagang naghihikahos.
"Mabuti na ho, dumating sila. Ang dami nilang nabili, that was a Sunday, and then, tinawagan po ako if I could attend.
"That’s all, pumunta po kami doon ng wife ko to thank them.
"And, at the same time, nakita ko po yung mga post nila promoting tourism sa Baguio and saying good words about how yung process namin sa Baguio, how they feel safe sa City of Baguio, because we have all these process.
"So I was there,” mga papuri ni Magalong sa suporta ng grupo ni Tim sa siyudad na kanyang nasasakupan.
Nagkomento naman si Noli tungkol sa pagbili ng paintings ni Tim.
Sabi ng veteran broadcaster, "Sorry, Mayor, baka sabihin ng tao, 'Sige, kapag kami’y nag-violate din, kami’y bibili na lang ng paintings na marami.'"
Pahayag dito ni Magalong, "Alam niyo ho, walang entitlement dito, nagkataon lang na talagang tao lang tayo na sometimes, when we’re just so engaged in one particular po na activity na talagang masayahin, e, kung minsan ho nakakalimutan din ho natin."
THE BIRTHDAY DINNER
Sunod na ikinuwento ni Magalong ang mga nangyari sa birthday dinner ni Tim.
Hindi niya itinangging nag-alis ng face mask ang kanyang asawa para sa photo op, kasama si KC.
Lahad niya, "Dumating ho kami doon ng 8 o’clock. We were at the lobby, may mga na-meet kaming tao, we were wearing masking.
"'Tapos dinala na ho kami sa mismong dining, so we were seated.
"May picture taking, may umiikot na picture taking. Siyempre, siguro sa excitement, yung iba, na-excite, nagtatanggal ng mask.
"Pero ako ho, lagi akong naka-mask.
"Pero siyempre, kasama ko yung wife ko. Yung wife ko naman, siyempre, there would come a time na excited yung wife ko na magpa-picture.
"Yung mga iba ho doon, mga movie personalities, artista ho, si KC ho, who also committed to promote tourism sa Baguio.
"Nakikita ko ho yung post nila, so we were there to thank them."
Hindi ba niya pinaalalahana ang ibang mga bisita na magsuot ng face mask?
Sagot ni Magalong, "Nire-remind ho namin na we have to wear mask kaya nasabihan ho namin yung ibang guests... oo nga pala, wear mask, ‘coz everybody was just so excited.
"'Tapos nung nakaupo na kami lahat, dining na, dumating na ho si Mr. Yap together with the cultural dancers ho namin.
"Nagkaroon ho ng kaunting ceremony kasi birthday ho niya. And then, after ho noong birthday niya, bumaba siya.
"And then, habang kumakain ho kami, nagkaroon ho ng cultural show.
"Habang nagkakaroon ng cultural show, nung natapos na ho yung actual na cultural show, bababa ho ‘yan, it’s a tradition.
"Bababa yung cultural dancers namin 'tapos mag-i-invite ho ng visitors to dance with them, community dancing.
"And siyempre, kumakain yung ibang mga guest, sumabay na ho sa community dancing, dun ho nakita na wala silang mask.
"Kung titingnan ninyo, marami naman sa kanila ang compliant. Maling-mali lang yung timing."
THERE WAS VIOLATION
Inamin ni Mayor Magalong na may paglabag na nangyari sa ordinansa ng Baguio City tungkol sa health standards laban sa COVID-19.
"Meron pa rin. Even my wife violated it, kasi nagtanggal nga ‘yon [ng face mask], because may picture taking, tatayo ka, magpi-picture taking kayo, 'tapos uupo ka uli. Ganoon ang nangyari dun.
"Hindi katulad ko na every time na may picture taking, kailangan ko magsuot uli.
"Because yun lang naman ang hinihintay ng mga tao na may makitang iba-bash yung mga pulitiko, ganoon ang ginagawa.
"Ako, sanay ako. Some people who are not used to it na kumakain 'tapos tumatayo para sa picture-taking, uupo uli, siyempre magba-violate ka kahit papaano.
"Kayo rin siguro, you’re not at all perfect. Not everyone is perfect.
"One way or the other, meron tayong events na kapag nagkaroon tayo ng happenings sa bahay o nagkaroon tayo ng happenings sa mga friends natin, picture taking, sometimes ang ginagawa na lang natin, 'O, walang magpo-post, walang magpo-post.' Ganoon ho tayo nangyari."
Muling inulit ni Magalong ang pahayag nitong inumpisahan na ng legal officer ng Baguio City, kahapon, January 26, ang imbestigasyon tungkol sa mga reklamo sa health protocol violations na nangyari sa birthday celebration ni Tim at ang kaukulang parusa sa mga taong mahuhuli na hindi nagsusuot ng face mask.
"Talagang meron ho kaming ordinansa na ipinapatupad na kapag hindi ka nag-wear ng mask sa public place, you have to be fined, P1,000, P2,000, P3,000.
"Depende ho sa kung repeat offender ka o how many times did you violate it.
"So this is something na iniimbestigahan ng aming legal officer, inumpisahan na ho namin kahapon."
Si Magalong ang Contact Tracing Czar ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF).
[ArticleReco:{"articles":["156318","156322","156288","156300"], "widget":"Hot Stories"}]
0 Comments