Hindi matanggap ni Jake Esteron ang binitiwang salita ng isa pang person of interest sa Christine Dacera case na si Valentine Rosales.
Sa mga naunang panayam kay Rosales, sinabi nitong wala siyang natipuhan sa mga guest sa Room 2207 ng City Garden Grand Hotel dahil “matatanda at chaka” daw ang mga bisita roon.
Reaksiyon dito ni Esteron, “Nagulat din ako na sinabi ni Valentine na yun, na puro matatanda at chaka daw yung nasa Room 2207.
“Kayo na po ang bahalang humusga.”
Pero binawi ni Rosales ang kanyang pahayag ilang araw makalipas niya itong sabihin.
Saad ni Rosales, “I just want to apologize on my first interview that I said… that... medyo… yeah, kind of offensive.
”I’m really sorry. It’s just… I was full of emotion that time.
”But I just want to reiterate na, yeah, 2207, I’m taking back what I’ve said. Hindi kayo chaka…”
Muling naghayag ng kanyang panig si Esteron sa panayam sa kanya ng TV Patrol kahapon, January 25.
JOHN DOE 5
Ikinagulat din daw ni Esteron na nakasali ang kanyang pangalan sa nauna nang sinampahan ng Makati City PNP ng reklamong provisional rape with homicide sa Makati City Prosecutor’s Office.
Saad niya, “Nagulat ako sa TV, John Doe 5 ako.
"Sabi ko, parang, ‘Ano ba yun, bumisita lang ako doon, gusto ko lang makita yung mga kaibigan ko, 'tapos ganyan ang nangyari?’
“Even my family also, naapektuhan din sa ganung pangyayari.”
Dagdag pa niya, bago maghatinggabi ng December 31, 2020, humabol siya sa City Garden Grand Hotel sa Makati City upang makisaya sa New Year’s Eve party kung saan imbitado siya ng isa sa mga kaibigan ni Dacera.
Ayon kay Esteron, doon lang niya nakilala sa party ang 23-year-old flight attendant.
Lahad niya, “11:46 [P.M.] pagdating ko dun, 9 pa lang [yung mga bisita]. Bandang 2 [A.M.], siguro pagbalik ko dun, ayun, bandang 2 [dumami na]."
Isa lang daw ang kakilala niya sa grupo ni Dacera.
“'Yon yung first na na-meet ko din sa party na 'yan, e.
“Hindi ko siya kilala personally at wala kaming interaction with each other, ‘Hi, Hello,’ lang, ganun, 'tapos wala na.”
Sa Room 2207 naka-check in ang sinasabing kaibigan ni Esteron.
Sa Room 2209 naman ang grupo nina Dacera.
"May hephep-hooray, cards, may mga nagpi-play ng cards, 'tapos may nagtataguan ng pera.”
Nakita rin daw niyang pumasok sa kuwarto nila si Dacera at mga kaibigan nito upang gumamit ng toilet.
NOT POWDER DRUGS BUT SALT
Nilinaw rin ni Esteron na totoong may inuman sa party pero walang party drugs.
Nakalagay kasi sa naunang sworn statements ng iba pang persons of interest sa kaso na meron daw silang nakitang powder drugs sa party.
Pero binawi rin nila ito kalaunan. Pinuwersa lamang daw sila ng mga pulis na sabihin ito sa kanilang pahayag.
Ayon kay Esteron, ang natagpuan daw ng mga imbestigador na white granule substance sa kanilang kuwarto ay hindi party drugs kundi asin.
Saad niya, "Para sa tequila yun. Dini-dip yung lemon doon sa asin, yun ang parang partner niya.”
Bandang alas-singko daw ng umaga nagsialisan na ang mga bisita sa Room 2207.
Nakunan pa si Esteron ng CCTV ng hotel na bumaba sa elevator bandang 5:11 ng umaga.
Umaasa si Esteron na lumabas na ang katotohanan ukol sa pagkamatay ni Dacera noong January 1, 2021.
Aniya, “Gusto ko na lang talaga matapos na ‘to.”
Bukas, January 27, gaganapin ang ikalawang preliminary investigation ng Makati Prosecutor’s Office kaugnay sa Christine Dacera case.
[ArticleReco:{"articles":["156214","156157","156207","156136"], "widget":"Hot Stories"}]
0 Comments