Napurnada ang hinihintay ng mga batang edad sampu hanggang katorse na makalabas ng bahay matapos ang mahigit sampung buwang pagiging homeliners dahil binawi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naunang desisyon na papayagan na ang mga ito na makalabas at makapamasyal.

Marami agad ang nalungkot dahil hindi pa man dumating ang takdang araw para makalabas ang mga ito ay naunsiyami kaaagad dahil sa desisyon ng gobyerno.

May mabigat na dahilan naman ang Pangulong Duterte kung bakit hindi itinuloy ang pagluluwag sa mga batang edad 10-14 dahil sa panibagong COVID strain na nakita sa Cordillera Region.

Ayon sa mga eksperto, mabilis kumalat ang UK strain na ito ng COVID at ang tinatarget ay mga bata, hindi katulad ng COVID -19 na mga may edad at senior citizens ang tinatamaan.

Sinabi ng Pangulo sa kanyang regular na mensahe sa bayan na wala siyang ibang hangad kundi proteksiyonan ang lahat ng mga Pilipino laban sa kontaminasyon ng COVID-19 at ayaw nitong pati mga bata ay makaranas ng bagsik ng virus.

Malungkot na balita ito para sa mga bata dahil ngayon pa lang ay nagpaplano na ang kanilang mga magulang na maisama ang mga ito sa malls kahit sandali lamang pero naunsiyami pa.

Ang sabi nga ni Pangulong Duterte, sakripisyo ito para sa mga magulang at mga bata dahil mananatili ang limitadong pagkilos na naranasan na ng mahigit sampung buwan.

Dahil sa COVID pandemic, marami ang nabago sa buhay ng mga bata simula ipatupad ang lockdown noong Marso 2020.

Hindi na nagagawa ng mga kabataan ang malayang paglalaro sa labas ng bahay, ang pamamasyal tuwing weekends sa mga parke o kaya ay makapag-malling dahil sa banta ng COVID-19.

Marami sa mga bata ang bagot na bagot na sa pananatili sa bahay at nagsawa na sa paggagamit ng gadgets o kaya ay sa maghapong panonood ng telebisyon at umaasang isang araw ay makakalabas din ang mga ito .

Sa katunayan, pumuti na ang kulay ng balat ng maraming mga bata at hindi na nabibiro ng “baluga” o kaya “ulikba” o negra dahil sa matagal na pananatili lamang sa loob ng kanilang mga bahay.

Nakakaawa din naman ang mga bata ngayong panahon ng pandemya dahil marami na ang bawal at kung hindi pa matatapos ngayong taon ang problema sa COVID-19 sa bung mundo, hindi mararanasan ng mga ito ang mga masasayang napagdaan ng mga naunang henerasyon noong kanilang kabataan.

Pero ang pakunsuwelo na lamang ng gobyerno sa mga magulang at mga anak, ang mahalaga ay ang kaligtasan ng mga ito kaysa sila ang maunang maglaho sa mundo.

The post Naunsiyaming kalayaan first appeared on Abante Tonite.