Patuloy ang pagpapakilala sa atin ng Panginoong Hesus ngayong Linggo.
Sa Mabuting Balita (Mc 1:21-28) sa Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon, isinasaysay ang pagdating ng Guro at Kanyang mga alagad sa Capernaum.
Namangha ang mga tao sa paraan ng pagtuturo ni Hesus nang may kapangyarihan, sapagkat ang mga salitang binitiwan Niya ay halatang galing sa Kanyang puso at diwa.
Binigyang diin ni Hesus sa Kanyang pangangaral ang mapanghahawakang Salita ng Diyos upang makamit ang kaligtasan. Siya mismo ang Salita na Nagkatawang-tao at sumaatin. Lalong tumingkad ang pagpapakilala ng Panginoon nang masaksihan ng tanan ang pagpapalayas Niya ng masamang espiritu sa inaalihan nito sa sinagoga ng Capernaum.
Ating bigyang-pansin na tumalima ang masamang espiritu sa bisa ng makapangyarihang Salita ng Panginoon. Walang nagawa ang demonyo kundi sumunod sa Kanyang sinabi. Sa eksena, napatunayan na tunay na nakapangyayari ang Salita ng Diyos. Noon at ngayon, ganito pa rin ang lakas ng Kanyang mga salita sa panahon natin!
Turo ng Simbahan, namalas ng mga saksi ang pagka-Mesiyas ni Hesus sa Ebanghelyo, kaya’t namangha ang tanan sapagkat lumutang ang kapanyarihan ng Kanyang mga salita bilang Propetang sugo at Bugtong na Anak ng Ama sa piling natin, ang matagal nang iniintay ng mga Hudyo. Giit ng Iglesya, “mediated by priests, the saving-work of Jesus continues to be operative in today’s world.”
HIndi kailanman dapat mawaglit sÄ… ating isip ang mga pangako ng Diyos sa atin. Patuloy Siyang nananahan sa atin at kasama natin sa ating pag-araw araw na pamumuhay. Totoo at ‘di nararapat pagdudahan ang maasahan Niyang presensiya sa ating buhay! At ang Salita ng Diyos ay walang iba kundi ang ang Pinginoong Hesukrsto, ang ‘Emmanuel’ o Diyos sa piling natin.
Kaakibat ng kapangyarihan Salita ng Diyos ang Kanyang gawaing pagpapagaling at pagpapalaya sa atin. Huwag sanang manghinawa ang ating pananampalataya dahil sa mga problemang hinaharap lalo na ngayong panahon ng pagsubok sanhi ng pandemya. Nawa patuloy tayong kumapit sa Salita ng Diyos anuman ang mangyari sapagkat Siya ang Daan, Katotohan at Buhay, ngayon at magpakailanman.
The post Maasahang Presensiya at Salita ng Diyos sa piling natin! first appeared on Abante Tonite.
0 Comments