Mataas na presyo ng bilihin ngayon, dapat lalong tutukan

Damang-dama ng mga mamimili ang pagtaas ng mga presyo ng mga pagkain lalo na ng karne at gulay.

Ang pagtaas at pagbaba ng presyo ng mga pangunahing bilihin ay nakadepende sa iba’t ibang mga masalimuot na kondisyon kasama ang supply ng produkto na maaaring maapektuhan ng limitasyon dala ng pandemya—mataas o mababang produksyon o importasyon, masamang klima, sakit sa mga hayop, pagtaas ng presyo ng gasolina o simpleng pagiging gahaman ng ibang mga negosyante.

Sa pabago-bagong panahon, mabilis dapat ang kilos ng gobyerno. Dahil nagmahal ang mga bilihin, dapat mangasiwa at maging maparaan ang mga nanunungkulan para matugunan ang suliranin ng mga Pilipino.

Napakadaming factors na maaaring makaapekto sa supply chain o maging sa problema ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Ngunit sa detalyadong paghimay tungkol sa mga sanhi ng pagtaas, at sa pagbabantay at pakikipagtulungan ng mga national agencies tulad ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) sa lokal na pamahalaan at mga palengke, kaya natin itong hanapan ng solusyon!

Ang pagmonitor sa presyo ng mga bilihin at pagsigurong hindi lubusang lumalagpas ang presyo nito sa itinakdang presyo ay araw-araw na binabantayan ng lokal na pamahalaan, DA at DTI.

Bukod sa pagtulong at pagtutok sa mga tradisyonal na pamilihang bayan, isa sa mga naging inisyatibo ng Taguig ang pagtatalaga ng Community Markets sa lahat ng barangay. Mga gulay, prutas at marami pang ibang produkto ang hatid ng mga talipapang ito. 33 Community Markets ang pinupuntahan ng mga mamimili sa Taguig linggo-linggo sa mga plaza, covered courts at iba pang mga lugar. Ilan sa mga Community Markets sa lungsod ay itinayo katuwang ang DA.

Ngayong taon na ito, inaasahan ding matatapos ang apat na bagong modern palengke o pamilihang bayan sa lungsod ng Taguig. Makakatulong ang mga ito sa pagkakaroon ng mas murang pwesto at mas magandang sistema para sa mga market vendors, lalong lalo na sa mga mamimili na hindi na lalayo para mamalengke. Mas madali na ring ma-monitor ang mga presyo bago sila mamili.

Bukod sa aspeto ng pagbantay sa presyo ng bilihin ay dapat mayroong pag-alalay sa mga vendors.

Inaayos na rin ng Taguig ang partnerships para magkaroon ng sariling bagsakan ng produkto sa lungsod, kung saan makakatulong at makakatipid ang mga vendors sa transportasyon.

Kahit na nasa gitna ng pandemya, lahat ng rehistradong vendors sa lungsod ng Taguig ay binigyan ng Php4,000. Inayos din ng lokal na pamahalaan ang vendors’ registration para makapagbigay tayo ng PhilHealth at iba pang mga benepisyo.
Inaaral din ang pagbibigay ng karagdagan pang ayuda o subsidiya para sa mga vendors upang makatulong sa kanilang gastusin sa pag-angkat ng mga produkto.

Bukod sa pagtutok sa supply, kailangan ding tutukan at bantayan ang sitwasyon ng mamimili. Ngayong may pandemya, kailangan ng mamamayang Pilipino ang tulong ng gobyerno. Kasabay ng laban sa COVID-19 ay ang pagsubok sa araw-araw na pamumuhay at paghahanapbuhay.

Kaya naman nagtalaga ng Employment One Stop Shop ang Taguig na layuning tulungan ang mga mamamayan upang makahanap ng trabaho.

Bukod pa rito, ang bawat sektor ng pamilyang Taguigeño ay nakatanggap ng ayuda mula sa gobyerno. Nagbigay ang lokal na pamahalaan ng P4,000 financial assistance para sa halos 68,000 Senior Citizens, 10,000 mahigit na Persons with Disability, at ilang ikot ng financial assistance para sa mga sektor na lubos na natamaan ng lockdown ang kabuhayan.

Kasama rin dito ang lahat ng lokal na asosasyon ng jeepney, tricycle at pedicab drivers, at maging lahat ng Angkas drivers na taga-Taguig ay nakatanggap rin ng ayuda. Ang mga iskolar ng lungsod naman kasama ang mahigit 6,000 estudyante ng Taguig City University ng lungsod ay nakatanggap ng additonal P5,000 assistance.

Bukod pa ito sa Taguig Amelioration Program o TAP kung saan nagbigay rin ang pamahalaang lokal ng Taguig ng tulong sa mga pamilyang hindi nakatanggap ng ayuda mula sa nasyonal na pamahalaan o yung mga hindi napabilang sa SAP.

Nararapat na magkaisa at magtulungan tayo, pribado man o gobyerno, lokal man o nasyonal na ahensya. Sa pakikipagtulungan lamang tayo makakahanap ng mga agarang solusyon sa ating mga problemang hinaharap tulad ng pagtaas ng presyo ng bilihin.

Ang pagkakaisa at pagtutulungan ay hindi lang susi sa pagbaba ng presyo ng bilihin ngunit susi rin sa maagang pagtatapos ng pandemyang ito. Isama natin sa ating panalangin na maging matatag nawa ang sambayangang Pilipino.
We heal as one!

The post Mataas na presyo ng bilihin ngayon, dapat lalong tutukan first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments