Nilinaw ng Meralco na hindi na sila magbibigay pa ng ekstensyon sa no disconnection policy na nagtapos nitong Enero 31, 2021 sa kabila ng panawagan ng mga consumer at ilang mambabatas na palawigin pa ito.
“Tama po hanggang katapusan na lang ng Enero [ang no disconnection policy],” pahayag ni Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga sa panayam ng Abante TONITE nitong Linggo.
“Nagsimula ang no disconnection policy noong Marso [202] kaya po mag-iisang taon na hindi nagkaroon ng disconnection,” dagdag pa ni Zaldariaga.
Subalit sa kabila ng pagtatapos ng palugit, sinabi naman ni Zaldarriaga na gagawa ng paraan ang Meralco para sa mga consumer na mahihirapang magbayad.
“Bagamat natapos na ang palugit, tutulungan pa rin natin ang mga costumer na mahihirapang magbayad. Hahanap tayo ng solusyon kung paano hindi sila maputulan ng serbisyo,” pahayag pa ni Zaldariaga.
Mga kustomer umangal
Samantala, nabatid na nag-umpisa na umanong magputol ng kuryente ang Meralco bago pa natapos ang moratorium nito sa katapusan ng Enero o kahapon.
Sabi ng netizen na si Diana Rose Ybalane, Biyernes pa lang ay pinutulan na sila ng kuryente sa Muntinlupa City.
“May batang maliit po kami kapapanganak qpa lng po..nakiusap nman po aq nagmakaawa na wag po muna sanang putulan,” sabi ni Ybalane sa official Facebook page mismo ng Meralco noong Biyernes ng gabi.
Galit na galit naman ang netizen na si Gerry J. Velasco dahil pinutulan sila ng kuryente kahit pa bayad siya.
“Anon a Meralco?? Pinutulan nyo kame kahapon ng walang notice tapos..kahit ganun binayaran naming lahat ng unpaid kahapon pa pero hanggang ngayon wala pa rin kameng kuryente,” sabi ni Velasco sa FB ng Meralco noong Sabado.
Nauna rito ay hinikayat din ni Senador Bong Go ang Meralco na magpakita ng awa at pag-aralan ang posibilidad na palawigin ang no disconnection policy sa kanilang mahihirap na kustomer.
Ang no-disconnection policy ng Meralco ay dapat matatapos noong Disyembre 31, 2020 subalit pinalawig hanggang Enero 31, 2021.
Ayon sa Vice-President at Head of Corporate Communications ng Meralco, ang mga kabahayan na kumukonsumo ng 201 kilowatt-hours (kWh) o higit pa ay inaabisuhang bayaran na ang kanilng unpaid bill noong nagdaang buwan habang ang kumukonsumo ng 200 kWh pababa ay kailangang bayaran hanggang katapusan ng Enero.
Sabi pa ng Meralco ang mga non-lifeliners na hindi nakapagbayad ng kahit anong halaga sapul pa noong Marso 2020 ang siyang puputulan. Papayagan din ng kompanya na magbayad sa pamamagitan ng installment basis. (Edwin Balasa/Eileen Mencias/Dindo Matining)
The post Meralco hindi naawat sa putulan first appeared on Abante Tonite.
0 Comments