VP Leni bumilib kay Magalong

Nagpahayag ng paghanga si Vice President Leni Robredo sa ipinakitang magandang halimbawa ng isang public official na katulad ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong matapos na magbitiw ito bilang contact tracing czar.

Kusang nagbitiw bilang contact tracing czar si Magalong dahil sa kontrobersiyal na birthday party ng isang celebrity sa isang hotel sa Baguio City na lumabag umano sa health protocol ngayong pandemya.

“Bilib naman ako kay Mayor Magalong na malakas `yong sense of accountability. Iyong sa akin nga, kung meron mang nagawang lapse, iyong response, dapat ganito `yong response ng mga public official na nalalagay sa ganitong situation,” pahayag ni Robredo sa kanyang lingguhang programa sa radyo.

“Kapag ganito ang mga public official, `yong respeto ng tao sa institusyon mabu-boost, na `yong kapag may kasalanan, inaako `yong kasalanan, walang pagdepensa sa sarili,” dagdag pa nito.

Nilinaw naman ni Robredo hindi niya ipinagtatanggol si Magalong at aminadong may mga pagkukulang nga aniya ang alkalde subalit naging maganda ang pagtugon nito sa kanyang naging pagkakamali. (Tina Mendoza)

The post VP Leni bumilib kay Magalong first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments