
Mabuti naman at maayos na ang relasyon ngayon ng isang female celebrity sa kanyang biyenan. Dati kasi ay hindi sila nagkakatinginan nang mata-sa-mata.
Palagi silang nagkokontrahan, nagkakasundo lang sila kapag marami silang kaharap, pero kapag wala na ang mga nakapaligid ay dedmahan na naman sila.
May malalim na hugot ang manugang sa kanyang biyenan. Nalaman niya kasi na iba ang babaeng gustong mapangasawa ni biyenan para sa kanyang anak.
Kaso, siya ang pinakasalan ng lalaki, siya ang piniling mahalin, olats ang manok ni biyenan, kaya binitbit nito ang pangyayari.
Kuwento ng aming source, “Hindi maganda ang samahan ng magbiyenan nu’ng una. Kapag may sinasabi ang biyenan, e, agad nang kinokontra ‘yun ng manugang. Hindi sila talaga nagkakasundo, kaya naging problema ‘yun ng husband ng female celebrity.
Ilang taon nang nagsasama ang mag-asawa ay ganu’n pa rin ang kanilang sitwasyon, kontrahan nang kontrahan, hindi tanggap ng biyenan ang kanyang manugang.
Balik-chika ng aming source, “Wala nang magagawa si mommy, puso ng anak niya ang pumili sa girl, kaya ‘yun ang pinakasalan niya.
“Pero dahil natalo nga sa sabong ang manok ni mommy, idinaan na lang niya ‘yun sa pagkontra sa manugang niya. Palagi silang nagdidiskusyon, magkaiba ang mga paniniwala nila!
“Nagtatalo sila palagi, hanggang sa magbago ang ikot ng kapalaran at biglang sumikat ang husband ng female personality!” kuwento uli ng aming impormante.
Hindi lang basta sumikat ang male personality, naging super-yaman pa, natural lang na ang humahawak ng kadatungan nito ay ang kanyang misis.
Kuwento na naman ng aming source, “May naisip na pang-inis si manugang, bigay siya nag bigay ng datung sa pamilya niya, pero hindi niya masyadong binibigyan ang biyenan niya!
“Nakialam na ang male personality, kailangang magkasundo na sila, kalimutan na nila ang nakaraan dahil hindi na ‘yun maibabalik pa. Nakiusap ang male personality, hindi siya tumigil hanggang hindi nagkakaayos ang misis at mommy niya!
“At nagtagumpay naman siya! Pak na pak ang ginawa niyang paraan para magkasundo na ang dalawang mahalagang babae sa buhay niya!” tawa nang tawang kuwento ng aming source.
Mommy Divine ‘apektado’ sa TF ni Sarah
Dahil sa madalang na paglabas ni Sarah Geronimo sa musical variety show na ASAP Natin ‘To ay nag-aalala ang mga nagmamahal kay Mommy Divine sa sitwasyon.
Nang magpakasal kasi sina Matteo Guidicelli at Sarah ay malinaw ang kanilang pinag-usapan sa pamamagitan ni Boss Vic del Rosario na namagitan sa kanila.
Iniwan ni Sarah sa kanyang pamilya ang lahat ng kanyang naipundar, wala siyang dinala, pero habang nagsasama na silang mag-asawa ay sa kanya na pupunta ang anumang halagang pinagtrabahuhan niya.
Ang tanging mapupunta na lang kay Mommy Divine ay ang mga talent fee niya mula sa mga gagawin niyang proyekto sa ABS-CBN. Kasama na du’n ang talent fee niya sa ASAP Natin ‘To.
Tanong ng isang nakausap namin, “Paano na ‘yun? Ngayong hindi muna nagre-report si Sarah sa ASAP, wala ring nakukuhang talent fee niya si Mommy Divine?
‘Yun ang kasunduan nila, di ba? Ang TF ni Sarah sa mga shows na gagawin niya sa ABS-CBN, e, kay Mommy Divine ‘yun!” tanong-opinyon ng aming kausap.
Oo nga naman. May punto ang tanong na tinanggap namin. Habang hindi lumalabas si Sarah sa ASAP ay wala nga namang matatanggap si Mommy Divine.
Pero siguradong hindi naman ‘yun sinasadya ni Sarah, maaaring may makatwirang dahilan ang hindi muna niya pagre-report sa programa, isang araw ay siguradong babalik na rin siya sa musical variety show.
0 Comments