
Dahil sa lock-in taping ay nagkaroon ng pagkakataon ang mga artista na makilala nang husto ang kanilang mga kasamahan. Matagal kasi silang nagkakasama-sama, hindi tulad nu’n na pasulput-sulpot lang ang kanilang pagkikita, mas nakikilala nila ang isa’t isa dahil sa lock-in taping.
May nabubuo ring relasyon sa lock-in taping tulad ng nangyari sa isang sexy star at sa isang hunk actor na ilang buwang nagkasama sa trabaho.
Maraming kuwento tungkol sa napapanahong paraan ng pagtatrabaho ng mga artista. May istorya ang aming source tungkol sa nadiskubreng ugali ng isang sikat na aktor na bumibida sa isang serye.
Umpisang kuwento ng aming source, “Di ba, kapag nagla-lock-in taping sila, e, armado sila ng mga food? Nagbabaon sila ng mga pagkain dahil mahirap na nga namang magutom sila.
“May mga artistang parang bitbit na ang buong grocery, sobrang daming baon na chichirya, walang reason para magutom pa sila. Du’n nadiskubre ng mga katrabaho niya ang ugali ng isang male personality.
“Sobrang damot pala niya, makasarili, talagang wala siyang pakialam sa mga kasamahan niyang artista!” simulang impormasyon ng aming source.
Nagbibigayan kasi sila ng mga baon. Merong pangsarili lang nila at meron talaga silang nakahanda para pambigay sa mga kapwa nila artista.
“Pagdating nila sa location, para silang nagpapalitan ng baon. Ex-deal ang laban dahil kung anu-ano ang baon nila, share-share talaga sila sa set.
“Du’n nila napansin na tanggap lang nang tanggap ang bumibida nilang kasamahan, hindi siya namimigay, pangsarili lang niya ang mga pagkaing baon niya sa location.
“Marami siyang food na dala-dala, pero hindi niya ugaling mamigay, umo-order pa nga siya ng food sa mga food chain na malapit lang sa location, pero para lang sa kanya.
“Akala ng mga kasamahan niya, e, sa una lang ‘yun, baka naman habang tumatagal, e, matuto na rin siyang mag-share. Pero waley! ‘Yun na pala talaga ang ugali ng kilalang-kilalang male personality.
“Talagang boksingero siya, hindi siya karatista na nakabukas ang mga kamao, kumakain siyang mag-isa habang lumulunok lang ang mga kasamahan niya!” tawa nang tawang pagtatapos ng aming source.
Gretchen pinagkaitan ng titulo
Forever mistress ang tawag ng mga kababayan natin kay Gretchen Barretto. Sa dalawampu’t pitong taon ng relasyon nila ng businessman na si Tony “Boy” Cojuangco ay hindi pa rin siya pinakakasalan nito.
Maraming nag-aabang pero nu’n pa man ay lutang na ang balitang hindi ibibigay ng misis ng negosyante na si Denise Yabut Cojuangco ang kumpletong kaligayahan at titulo sa aktres.
‘Yun ang dahilan kung bakit tinatawag si Gretchen na habambuhay na lang na kabit. Masakit sa pandinig ‘yun pero tinatawanan lang ng aktres ang komento ng marami.
Sabi siguro ni Gretchen, halos tatlong dekada na ang relasyon nila ni Tony Boy, matibay na ang pundasyon ng kanilang pagmamahalan kaya ano pa ang saysay ng dokumento ng kasal?
Hindi biro ang dalawampu’t pitong taon, kumpara sa maraming relasyon sa showbiz na hindi pa man nakakapangalahati ng relasyon nila ni Tony Boy ay nagkakahiwalay na, siguro’y naging kampante na nga si Gretchen sa kanyang posisyon ngayon.
Mas maganda nga sana kung magpapakasal sila, pero kung meron namang mga humaharang para maganap ‘yun ay walang ibang pamimilian si Gretchen, tama lang ang tawag sa kanya bilang forever mistress.
Pero maraming sumasaludo sa negosyante, may kakambal na pagtataka rin ang paghanga, dahil ilang beses nang naugnay sa ibang personalidad ang aktres pero matibay pa rin ang relasyon nila.
Pero sino ba naman tayo para humusga, mismong ang businessman na ang nagsabi na ang dahilan kung bakit sila nagtagal ay dahil “The mama is always right,” may maihihirit pa ba ang kahit sino?
The post Sikat na aktor maramot sa pagkain first appeared on Abante Tonite.
0 Comments