
Hindi pa minamarkahan ni coach Leo Austria kung ano ang magiging papel ni CJ Perez sa San Miguel Beer – starter, o off the bench.
Matatasahan ‘yun kapag nakapag-ensayo na ang dating Lyceum star at 2018-19 Rookie of the Year sa bagong team. Inaasahang magagamay na rin ng reigning two-time Scoring Champion ang teammates bago magsimula ang PBA 46th Season sa April 9.
Hindi pa mabalasa ni Austria ang kanyang starting five kina June Mar Fajardo, Arwind Santos, Marcio Lassiter, Chris Ross at Alex Cabagnot.
“It will depend pa, during the offseason pa lang malalaman kung sino maganda ang chemistry,” anang Beermen bench tactician.
Mas malamang na manggagaling sa bench si Perez kasabay ni Terrence Romeo.
Perez at Romeo na ang magsasabay sa backcourt ng Beermen.
Depende rin aniya sa kalaban.
“Itong si CJ, kapag kalaban halimbawa TNT, panapat siya kay (Bobby Ray) Parks. ‘Pag Phoenix, p’wedeng itapat kay (Calvin) Abueva. Depende sa matchup na mangyayari,” paliwanag ni Austria.
Ang sigurado ay mahaba ang magiging minuto ni Perez.
“Definitely talagang mahaba makukuha niyang playing time. Per depende rin sa game. Siyempre, lahat naman ng teammates niya can score, eh,” panapos ng wika ng veteran coach. (Vladi Eduarte)
0 Comments