
Marami ang pumalag sa plano ng Commission on Elections (Comelec) na ipagbawal ang face-to-face campaign sa 2022 national at local elections upang maiwasan ang hawaan sa COVID-19. Katuwiran nila, mga mayayamang kandidato lamang ang makikinabang kapag pinatupad ito.
Sa local politics, mahalaga na masuyod ang bahay ng bawat botante. Sa mga kandidatong walang kalakihang campaign fund, magtitiyaga sila sa house to house campaign.
Ang mga maperang kandidato, nag-iikot din naman pero umaasa sa mga local leader para sila ay manalo sa pamamagitan ng pag-aalok ng pera sa bawat botante. Hindi lang sa mga lalawigan ito nangyayari kundi pati na rin sa Metro Manila.
Lalo na kaya ngayong may COVID-19 pandemic, tiyak na kakagat sa alok na pera ang marami nating kababayan at malamang na katuwiran nila na hindi naman nakakain ang prinsipyo.
May kaibahan naman ang sitwasyon sa national elections. Kung ikukumpara sa 1992 elections kung saan sinilat ni Fidel Ramos si Miriam Santiago, at sa 2016 elections kung saan tinabunan ni Rodrigo Duterte si Mar Roxas, malaki ang pagkakaiba sa estilo ng halalan.
Noong 1992, lagare sa face-to-face campaign ang mga kandidato. Umasa si dating House Speaker Ramon Mitra sa mga kakamping congressman at mga local politicians pero natalo dahil kulang sa popularidad. Ang sikat namang si Miriam Santiago, manipis ang political base kaya nasilat sa halalan.
Si Ramos, inendoso ni dating Pangulong Corazon Aquino. Nanalo sa manipis na kalamangan pero nabahiran ng kontrobersya.
Noong 2016 elections naman, ginaya ni Roxas ang diskarte ni Mitra plus suportado pa siya ni Pangulong Benigno Aquino III. Malaki rin ang ginastos sa ads ni Roxas pero hindi pinalad na manalo.
Ang mayor naman noon na si Duterte, kulang ang political leaders, kulang sa ads sa telebisyon at radio pero nanalo. Kung tutuusin, neck and neck ang laban nina Duterte, Roxas at Senador Grace Poe sa homestretch pero ang mga undecided, pumanig sa Davao mayor dahil sa “tough guy” image nito. Sinasabing nakatulong ang mga Facebook page sa kampanya ng alkalde para manalong presidente ng bansa.
Noong 2019 senatorial elections naman, kahit may mga campaign rally ang mga kandidato ng koalisyon o partido, mas marami naman ang kanya-kanyang lakad sa kampanya. Ang top 2 spender sa ads, nanalo sa halalan. Ang mga kandidatong kapos sa pondo pero nagtiyagang ikutin ang buong bansa, natalo sa halalan.
Kaya sa 2022 elections, alam na ng mga kandidato ang tamang diskarte para sila ay manalo, lalo na kung patuloy na namamayani ang COVID-19 pandemic sa bansa.
0 Comments