’40 araw suspensiyon kulang sa killer sarhento’

Nasa 40 araw na suspensiyon lang ang inirekomendang parusa ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) kay Police Senior Master Sergeant Christopher Salcedo, ang pulis na bumaril sa 18-anyos na si Erwin Arnigo, isang lalaking may autism, sa isang raid sa tupada noong Mayo sa Valenzuela City.

Ayon kay IAS Inspector General Alfegar Triambulo, 60 araw na suspensiyon dapat ang parusa kay Salcedo pero ibinaba nila ito sa 40 araw dahil sa mga parangal na natanggap nito sa serbisyo.

Ang parusang ipinataw ng PNP-IAS kay Salcedo ay hindi tanggap ng pamilya Arnigo dahil lubha anila itong napakagaan kapalit ng buhay ng biktima.

Sa isang panayam kahapon kay Helen Amigo, ina ni Erwin, sobrang gaan aniya ng parusang ipinataw sa pulis na bumaril at nakapatay sa kanyang anak na mayroong diperensya sa pag-iisip.

Hindi rin tanggap ni Helen ang pahayag ng PNP-IAS na ang pagkakamali lang umano ni Salcedo ay hindi ito naging maingat sa paghawak ng kanyang baril habang sinusubukang arestuhin ang biktima.

Sa ngayon ay patuloy pa rin aniya ang pagdadalamhati ng pamilya Arnigo at ang panawagan nilang hustisya sa pagkamatay ni Erwin.

Wala rin aniyang kapanatagan ang kanyang isip hangga’t hindi nakukulong si Salcedo.

Samantala, nanawagan si Helen kay PNP chief General Guillermo Eleazar na bigyan ng karampatang parusa ang namaril na sarhento.

Base sa paliwanag ng mga pulis na nang-raid sa tupadahan, nakipag-agawan umano ng baril si Erwin kaya aksidenteng pumutok ang baril ni Salcedo subalit batay naman sa salaysay ng mga residente, wala naman umanong agawan ng baril na nangyari sa pagkakabaril sa may sakit na binatilyo. (Edwin Balasa)

The post ’40 araw suspensiyon kulang sa killer sarhento’ first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments