QC bar sinalakay, 23 kostumer dinakma

Dinakma ng mga tauhan ng ‘Oplan Magdalena’ ang 23 kostumer na naabutan sa isang restobar na agad ding ipinasara matapos lumabag sa health protocols na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ng Quezon City.

Sa report kay QCPD Director P/BGen. Antonio Yarra, bandang alas-10:10 ng gabi ay nagtungo ang mga awtoridad sa Up and Beyond Resto Bar, na matatagpuan sa 184 Kojak Bldg., Tomas Morato, Brgy. Sacred Heart, sa lungsod.

Doon ay nadiskubre ang maraming parokyano at mga umano’y guest relation officer (GRO) ang nasa loob ng inokupahang tatlong VIP room at nag-iinuman kung saan nilalabag ang health protocols gaya ng pagpapanatili ng social distancing at pagbabawal sa mass gathering.

Dahil dito ay agad na inisyuhan ng Ordinance Violation Receipts (OVR) ang mga nangangasiwa at mga naabutang kostumer sa gusali.

Ang 23, na kinabibilangan ng 13 babae at 11 lalaking kostumer, ay inaresto ng pinagsanib na puwersa ng District Special Operations Unit, District Women and Children Concern Section, Kamuning Police Station (PS10), Business Permits and Licensing Department, at Social Services and Development Department ng QC.

Matapos ang dokumentasyon at pag-isyu ng OVR sa mga inaresto ay pinayuhan na silang umuwi sa bahay at magbayad ng kanilang kaukulang multa sa Department of Public Order and Safety sa lungsod.

“Magsilbing aral sana ito sa mga nagpupunta sa mga bar at planong magbukas ng kanilang restobar sa panahon ng MECQ sa lungsod: hindi kami magdadalawang-isip na kayo ay hulihin at ipasara ang inyong establisimiyento upang hindi kayo pamarisan ng nakararami,” ani Yarra. (Dolly Cabreza)

The post QC bar sinalakay, 23 kostumer dinakma first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments