
Nasa ilalim ng extreme enhanced community quarantine (EECQ) ang 23 barangay sa Cabugao, Ilocos Sur matapos na umabot sa ‘alarming stage’ ang kaso ng COVID-19 at mga variant nito roon, ayon sa Inter-Agency Task Force-Ilocos Sur (IATF-IS).
Sa datos ng IATF-IS at Ilocos Sur Provincial Health Office (IPHO), ang mga barangay na inilagay sa EECQ mula Setyembre 5 ay ang Alinaay, Arnap, Baclig,
Bonifacio, Bunglo, Cacadiran, Caellayan, Carusipan, Catucdaan, Cuancabal, Cuantacla, Dacrapan, Dardarat, Margaay, Namruangan, Pug-os, Quezon, Rizal, Sabang, Sagayaden, Salapasap, Salomague, at Turod.
Ayon sa mga awtoridad, lahat ng residente sa mga lugar na naka-EECQ ay pinagbabawalang lumabas ng kanilang bahay maliban sa emergency at medical purposes.
Saad ng IATF-IS, bandang alas-5:00 ng hapon nitong Sabado, nakapagtala ang Cabugao ng 154 aktibong kaso ng coronavirus at may 11 indibidwal ang minomonitor ang kalagayan.
Napag-alaman na nitong Setyembre 3, inabisuhan ng IPHO si Cabugao Mayor Edgardo Cobangbang Jr. kaugnay sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bayan.
Kinumpirma ng IPHO na may naitala na silang dalawang kaso ng COVID-19 Delta variant at isang Alpha variant mula sa dalawang barangay.
Dahil dito, nagbaba ng executive order si Cobangbang na naghahayag ng pagkabahala sa pagtaas ng COVID cases sa kanyang bayan at tamang pagsunod sa lockdown. (Allan Bergonia)
0 Comments