
Timbog ang anim na kalalakihan matapos silang mahuli na nasa aktong nagsusugal ng tupada sa bakanteng lote sa Brgy. Poblacion, Binalonan, Pangasinan noong Linggo ng hapon.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Antonio Lopez, 56; Armando A. Tabora, 51; Gregorio M. Aglipay; Richard E. Pascua, 49; Rosauro E. Peñera, 52 at Noel S. Gabot, 26, lahat nakatira sa nasabing bayan.
Sa report, ayon sa Binalonan Municipal Police Station (BMPS), nangyari ang insidente dakong ala-1:03 ng hapon sa bakanteng lote ng Barangay Poblacion.
Bago ang pag-aresto, may nag-report sa BMPS at sinabing may nangyayaring tupadahan sa kanilang lugar.
Dito, agad nagresponde ang mga pulis at binulaga ang mga suspek sa aktong nagsasabong.
Nagkanya-kanyang pulasan ang mga suspek ngunit nakorner ang anim ng mga awtoridad.
Dinala ang mga suspek sa BMPS at sasampahan ng kasong illegal gambling. (Allan Bergonia)
0 Comments