Bitin sa TV: 12-anyos tinodas ng lover ni tita

Patay ang isang 12-anyos na babae nang barilin ng itinuring niyang ama-amahan matapos na akusahan na siyang bumunot ng kable ng internet sa kanilang bahay sa Imus City, Cavite Biyernes ng gabi.

Isinugod pa sa Ospital ng Imus ang biktimang si Angela (`di tunay na pangalan) subalit hindi na umabot ng buhay. Pinaghahanap naman ng puliya ang suspek na si Reynaldo Managan, 55-anyos at nakatira sa Brgy. Alapan 1-B, Imus City.

Ayon sa ulat ni Corporal Aurea Soriano ng Imus City Police Station, nanonood ng palabas sa telebisyon ang suspek alas-siyete ng gabi nang mawalan ng signal kaya lumabas ito sa kuwarto upang alamin at nakitang natanggal ang kable ng internet.

Inakusahan ng suspek si Angela na siyang nagtanggal ng kable ng internet connection at pinagalitan ito.

Narinig naman ni Michelle Palarca na pinapagalitan ng kanyang live-in partner ang pamangkin kaya sila naman ang nagtalo. Sa galit ng suspek ay muli nitong pinagbalingan ang biktima at binaril.

Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang ginawang pamamaril habang isinugod naman ang biktima sa ospital subalit idineklarang dead on arrival.

Inaalam pa ng pulisya kung anong kalibre ng baril ang ginamit ng suspek at saan galing ito. (Gene Adsuara)

The post Bitin sa TV: 12-anyos tinodas ng lover ni tita first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments