Hindi umano layunin ng Kamara na makipag-away sa Senado sa isinasagawa nitong imbestigasyon kaugnay ng pagbili ng gobyerno ng mga medical supply sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Ayon kay Deputy Speaker at SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta, nais lamang ng House committee on good government and public accountability na malaman ang totoo kaugnay ng pagbili ng bilyong halaga ng medical supply ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) sa Pharmally.
Sinabi ni Marcoleta na mayroong pagkakaiba ang imbestigasyon ng Kamara at Senado.
“Sa amin naman ang kaibahan ‘yong pagbibigay namin sa kanila ng kaukulang panahon para maipaliwanag nila ‘yong inaakala ng marami na maanomalyang pangyayari una sa pagkaka-transfer ng pondo ng DOH sa PS-DBM,” sabi ni Marcoleta.
Mayroon umanong mga resource person na inimbita ng Senado pero hindi pinagbibigyan na makapagpaliwanag ng mabuti.
Itinanggi rin ni Marcoleta na ang imbestigasyon ng Kamara ay ginagawa para ipagtanggol si Pangulong Rodrigo Duterte at mga miyembro ng Gabinete nito na iniuugnay sa kontrobersya.
Kung mayroon man umanong mapatutunayang anomalya ito ay ibibigay sa National Prosecution Service (NPS) o National Bureau of Investigation (NBI) na parehong nasa ilalim ng Department of Justice (DOJ) para ipagpatuloy ang pag-uusig. (Billy Begas)
The post Marcoleta hugas-kamay sa Pharmally probe first appeared on Abante Tonite.
0 Comments