
Binitbit ng mga awtoridad ang may-ari at caretaker ng sports arena matapos payagan ang 21 katao, kabilang ang dalawang menor-de-edad, na maglaro ng basketball sa Brgy. Kalawaan, Pasig City nitong Linggo ng gabi.
Kinilala ni Pasig City Police chief P/Col. Roman Arugay ang mga inaresto na sina Ehmer Mendoza, 45, caretaker at residente ng AV Cruz St., Brgy, Kalawaan, at Albert Dy, may-ari ng Metro Asia Arena na matatagpuan sa Elisco Road, Brgy. Kalawaan, Pasig.
Batay sa ulat ng Pasig City Police, dakong alas-8:00 kamakalawa ng gabi nang arestuhin ang dalawa matapos maaktuhan ng mga operatiba ng Sub-Station 4 ang 21 na naglalaro ng basketball sa loob ng naturang sports arena.
Nauna rito, nakatanggap ng tip ang awtoridad hinggil sa umano’y basketball game na nagaganap sa sports arena, na hindi pa pinapayagan dahil nasa ilalim pa ng modified lockdown ang Metro Manila hanggang Setyembre 7.
Agad dinakip ang may-ari at caretaker ng sports arena habang ang mga basketball player ay dinala naman sa ospital upang isailalim sa antigen test at matukoy kung mayroon sa kanilang nahawa sa COVID-19. (Dolly Cabreza)
0 Comments