Panawagan kay Mayor Sara

Ilang araw na lang, matatapos na ang Setyembre at magsisimula na ang buwan ng Oktubre. Ito rin ang simula ng paghahain ng Certificate of Candidacy ng mga tatakbo sa 2022 national at local elections.

Kabilang sa mga unang nakapagdeklara na ay ang tandem nina Senador Panfilo Lacson at Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na tatakbong presidente at bise presidente sa darating na halalan sa ilalim ng Partido Reporma at Nationalist Peoples Coalition. Si Senador Manny Pacquiao naman, tinanggap na ang nominasyon ng sariling paksyon sa PDP-Laban para maging standard bearer sa darating na halalan.

Ang hanay ng administrasyon, wala pang malinaw na kandidato sa pagka-pangulo kaya naman marami ang humihikayat kay Davao City Mayor Sara Duterte na tumakbong presidente sa Halalan 2022 kaysa hintayin pa na magbago ang isip ng amang si Pangulong Rodrigo Duterte sa kandidatura nito sa pagka-bise presidente.

Isa sa humihikayat kay Mayor Sara ay si presidential adviser on political affairs, Sec. Jacinto Paras. Ayon sa political adviser, dapat pakinggan ng alkalde ang panawagan ng taumbayan sa kanya at isantabi ang kasunduan sa kanyang ama na isang Duterte lang dapat ang tatakbo sa darating na halalan. Aniya, sa ‘hierarchy of values,’ ang dapat mauna ay ang Panginoon at bayan bago ang pamilya.

Hangad lang ni Pangulong Duterte na magkaroon ng continuity sa mga matagumpay na programa ng gobyerno kaya inalok ang sarili na maging bise presidente. Pero ayon kay Paras, kapag nakita niyang seryoso na ang anak na si Mayor Sara, magkukusa ang Pangulo na umatras sa kandidatura.

Nanghihinayang si Paras sa tiwalang ibinibigay ng taumbayan kay Mayor Sara dahil ngayon pa lamang ay nangunguna na ito sa mga survey bilang pinapaborang susunod na Pangulo ng bansa.

“I also believe that Mayor Duterte is the best person to succeed her father,” saad ni Paras. “I am joining the clamor to have Mayor Sara run because among the other candidates, she has the most experience running an executive office, and is most diligent and righteous for the post.”

Naniniwala naman ang isang lider ng Hugpong para kay Sara (HPS) na may sapat pang panahon para kumbinsihin si Pangulong Duterte na umatras sa pagtakbo upang sa gayon ay magkaroon na ng kaganapan ang kandidatura ni Mayor Sara sa pagka-pangulo ng bansa.

Sinabi ni HPS chairman Anthony del Rosario na hindi tumitigil ang kanilang grupo sa pangangalap ng miyembro sa paniniwalang magbabago ng desisyon si Pangulong Duterte at hahayaan ang anak na tumakbong presidente sa darating na halalan.

The post Panawagan kay Mayor Sara first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments