Pharmally accountant pipigain sa P33M donasyon

Ipatatawag ng Senate Blue Ribbon Committee ang chief accountant ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na si Jeff Mariano upang gisahin kaugnay sa mga donasyon ng kompanya sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno noong 2020.

Ito’y matapos mabigo ang auditor ng Pharmally na si Illuminada Sebial na maipaliwanag ang deed of donation umano ng kompanya sa mga ahensiya ng pamahalaan sa gitna ng pandemya na umaabot sa P33 milyon.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado sa diumano’y overpriced medical supply ng Pharmally, tinanong ni Senador Franklin Drilon kung nakuha ba ni Sebial ang mga dokumento na susuporta sa financial statement ng kompanya.

Kinuwestiyon ito sa pagdinig dahil ang Pharmally na isang maliit na kompanya at may kapital na P625,000 ang nakakuha ng P8.6 bilyong kontrata sa gobyerno para sa medical supply na ginamit sa pandemya.

Sa mga nagdaang pagdinig, sinabi ni Sebial na hindi siya nakatanggap ang deed of donation at ang pinakita lang sa kanya ng Pharmally ay listahan ng mga benepisaryo ng medical supply na nagkakahalaga ng P33 milyon.

Itinuro ni Sebial si Mariano na siya umanong nagpakita ng listahan ng mga benepisaryo sa kanya. Si Mariano rin umano ang humarang sa paglipat ng mga dokumento.

“Kasi ako nag-audit po one time lang po tapos ngayon na naghihingi ako ng mga documents, ayaw na po nila magbigay,” sabi ni Sebial kay Drilon.

Inamin din ni Sebial na binayaran siya ng Pharmally ng P4,000 para sa one-time pag-audit ng financial statement ng kompanya.

Kinumpirma naman ni Pharmally president at director Twinkle Dargani na si Mariano nga ang kanilang accountant.

Agad naman hiniling ni Drilon sa komite na ipa-subpoena si Mariano gayundin ang mga dokumento na magpapakita ng transaksiyon ng Pharmally. (Dindo Matining)

The post Pharmally accountant pipigain sa P33M donasyon first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments