Matunog ang balitang tuluyan nang papasok sa mundo ng politika ang sikat na TV host na si Idol Raffy Tulfo.
Base sa nakalap na eksklusibong impormasyon ng Abante Tonite, si Idol Raffy ay magiging katiket ng tambalang Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson at Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto sa 2022 elections.
Makakasama si Idol Raffy sa mga bigating pambato sa Senado ng tandem nina Lacson at Sotto na bitbit ang campaign slogan na “KKK” o “Kakayahan, Katapatan at Katapangan”.
Kinumpirma rin ng isang malapit sa mga Tulfo ang pagtakbong senador ni Idol Raffy pero hindi binanggit kung kaninong tiket ito sasama.
Dahil sa sinasabing pagsama ni Idol Raffy sa tandem nina Lacson at Sotto ay makakasama nito sa tiket sina Sorsogon Gov. Chiz Escudero, Antique Rep. Loren Legarda, dating senador JV Ejercito at Gringo Honasan, Sen. Richard Gordon, Sen. Migz Zubiri, Sen. Joel Villanueva, dating Vice President Jejomar Binay at ex-Comelec Commissioner Gregorio `Goyo’ Larazzabal.
Sina Senador Win Gatchalian at Manny Pacquiao naman ay posible ring pumasok sa tandem nina Lacson at Sotto kapag hindi tumuloy sa pagtakbong bise presidente at presidente.
Ang kapatid naman ni Idol Raffy na isa ring sikat na newscaster na si Erwin Tulfo ay sasabak bilang kinatawan ng ACT-CIS party-list kapalit ni Cong. Eric Yap na tatakbo bilang kinatawan ng Benguet kung saan ay tumatayo ito ngayon bilang caretaker.
The post Raffy Tulfo pambatong senador ng Lacson-Sotto first appeared on Abante Tonite.
0 Comments