122 tulak, wanted, sugarol tiklo sa Bulacan

Umabot sa 122 suspek ang nasakote ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) sa loob ng 24-oras na sabayang anti-criminality operation sa Bulacan kamakalawa.

Kabilang sa mga nasakote ay 57 umanong mga tulak ng droga na kasama ang karamihan sa drug watchlist at 44 na wanted sa iba’t ibang kasong kriminal.

Base sa report na isinumite kay Col. Manuel Lukban Jr., acting police provincial director ng Bulacan, nasakote ang 57 suspek sa droga sa magkakahiwalay na operasyon sa 20 bayan at 3 siyudad ng lalawigan. Nakumpiska rin umano mula mga suspek ang kabuuang 169 pakete ng shabu, 24 pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana, iba’t ibang drug paraphernalia at narekober din ang buy-bust money.

Timbog din ang 44 katao na wanted sa iba’t ibang kasong kriminal matapos suyurin ng tracker team na armado ng arrest warrant sa iba’t ibang bayan at siyudad ng Bulacan.

Samantala, 21 pang suspek ang huli naman sa anti-illegal gambling operation kung saan ay naaktuhan sila habang nagsusugal. (Jun Borlongan)

The post 122 tulak, wanted, sugarol tiklo sa Bulacan first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments