Bagama’t may ilang araw nang nakalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong ‘Maring’ ay nagpapakawala pa rin ng tubig ang Binga, Ambuklao at Magat Dam.
Ayon sa Pagasa, nasa apat na gate ng Ambuklao Dam ang nagpapakawala ng tubig habang tatlong gate naman sa Binga Dam na parehong matatagpuan sa Benguet.
Nagbabala ang ahensiya sa mga residente ng Barangay Ambuklao sa Bokod, Benguet at Barangays Dalupirip at Tinongdan sa Itogon, Benguet sa posibleng pagbaha dala ng pagpapakawala ng tubig.
“The majority of water discharge from Ambuklao Dam flows into Binga Dam, which in turn, releases water to San Roque.”
Samantala, ang Magat Dam naman sa Isabela ay may isang gate na bukas na nagpapakawala ng 481.28 cubic meters per second na tubig kaya nagbabala ang Pagasa na maging alerto ang mga residente sa mga low-lying area sa Ramon, San Mateo, Aurora, Cabatuan, Luna, Reina Mercedes, Burgos, Naguilian, at Gamu sa Isabela province. (Tina Mendoza)
The post 3 dam nagpapakawala pa rin ng tubig first appeared on Abante Tonite.
0 Comments