Napakahalaga ng aktibo at responsableng pamamahayag dahil ito ang kasangkapan para alamin ang napapanahong isyu, balita at tamang impormasyon tungkol sa COVID-19 at pandemya na kinakaharap natin.

Nalagay muli sa spotlight ang Philippine media nang manalo ng Nobel Peace Prize ang Pilipinong mamamahayag na si Maria Ressa. Malaking karangalan ito para sa bansa dahil si Ressa ang kauna-unahang babaeng Pilipino na nakatanggap ng isa sa pinakaprestihiyosong award sa mundo. Simbolo ito ng tagumpay niya at ng lahat ng mamamahayag sa Pilipinas.

Sa gitna ng pandemya, hindi tumigil ang masigasig na pamamahayag nila. Kailangan silang i-deploy para kumalap ng impormasyon, habulin ang mga istorya at agarang i-report ang mga ito.

Hindi madali ang kanilang trabaho. Patuloy na hinahamon ang kanilang propesyon ng maling balita at kuru-kuro tungkol sa COVID-19. Maliban sa pandemya, kailangan din nilang pagtuunan ng pansin ang iba pang mahahalagang isyu at problema sa bansa. Kaya doble ang pagsisikap nila na maghatid ng tamang impormasyon.

Malaki rin ang tungkulin ng media dahil may kakayahan silang impluwensyahan ang ating lipunan. Sa kanilang pagbabalita, nagkakaroon ng plataporma ang publiko na pagyamanin ang kanilang kaalaman, magtanong at ipahayag ang kanilang saloobin sa mga napapanahong isyu.

Sa lungsod ng Taguig ay sinisikap din ng lokal na pamahalaan na makakalap ng tama at komprehensibong impormasyon at maibahagi ito sa lahat ng komunidad sa pamamagitan ng iba’t ibang information channels ng lungsod.

Detalyado ang COVID-19 data reports sa Taguig. Araw-araw ay naglalabas ang lungsod ng mga datos tungkol sa COVID-19 cases at impormasyon tulad ng bilang ng recoveries, deaths, aktibong kaso, porsyento ng mga kaso, kalagayan ng lokal na ospital, disposition ng aktibong kaso at localized COVID-19 case updates ng bawat barangay.

May weekly reports din tungkol sa COVID-19 vaccination, Taguig Safe City Task Force enforcement, COVID-19 case situation at iba pang mahahalagang balita at impormasyon sa lungsod. Kailan lang ay naglabas ang Taguig ng bagong segment na Taguig Trending Topics. Dito tinatalakay ang mga katanungan, programa at iba pang mga paalala para sa mga Taguigeños.

Bukod dito, maigting ang komunikasyon sa mga komunidad. Hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang mga Taguigeños na agad mag-report sa COVID-19 hotlines ng lungsod o sa telemedicine personnel sa kanilang barangay kung may nararamdamang sintomas o sila ay close contact. Regular din ang panawagan sa kanila na mag-report ng violations sa Taguig Safe City Task Force.

Maraming online channels na ginagamit ang lungsod sa pamamahagi ng impormasyon tulad ng Facebook, Instagram, Twitter, website na taguiginfo.com, I Love Taguig TV sa Youtube at Viber.

Dahil hindi lahat ay may access sa internet, regular na naglalabas ang lungsod ng latest reports at iba pang updates sa pamamagitan ng mga tarpaulins at PA system sa lahat ng mga barangay.

Malapit din ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan sa bawat opisyal ng mga opisina, departamento at maging sa mga punong barangay para naibababa agad ang impormasyon sa mga kawani at mga Taguigeños.

May pandemya man o wala, mahalaga ang gampanin ng pamamahayag. Dahil dito ay lumalawak ang ating kaalaman sa mga kaganapan sa lungsod, bansa at buong mundo. Nagkakaroon din tayo ng direktang access sa tamang impormasyon.

Saludo sa lahat ng Pilipinong mamamahayag!

Nawa ay magsilbing inspirasyon sila sa atin na maging tagapagtanggol din ng magaling at malayang pamamahayag sa ating bansa.

The post Aktibo at responsableng pamamahayag sa gitna ng pandemya first appeared on Abante Tonite.