Naalala ko ang kwento ng isang kaibigan ko habang nasa Macau. Makalipas daw na mag-casino, halos mamilipit siya sa sakit habang umiihi sa banyo ng kanyang hotel room. Napaluhod daw talaga siya sa sakit at gustong-gusto na niyang sumigaw pero nag-aalala siya na baka akalain ng mga kalapit-kuwarto niya ay may pumapatay na sa kanya.

Makalipas ang halos nakakahimatay sa sakit na pag-ihi, nakarinig siya ng tumutunog na tila bato sa inidoro. Pagsilip niya, mayroong mga batong parang kristal sa kanyang inihian.

Kidney stones o bato sa bato pala ang kanyang problema. Matagal na niyang problema ang pagsakit ng ibaba ng kanyang bewang at pati ng tiyan. Minsan ay nagkakadugo rin sa kanyang ihi at parang lagi siyang nasusuka. Hindi niya inintindi hanggang sa isang araw, kung kailan pa naman nasa biyahe, saka siya nakaranas ng matinding pananakit habang umiihi.

Minsan, hindi napapansin ng may bato sa bato na may ganito na siyang kondisyon. Wala kasing simtomas sa umpisa. Pero kapag lumalaki pala ito, doon na nagkakaroon ng manipestasyon sa pamamagitan ng masakit na pag-ihi o dugo sa ihi. Ang iba pa nga ay nilalagnat sa sobrang sakit.

Ang dugo ay nanggagaling sa paggasgas ng bato sa kidney o sa daanan ng ihi.

Nabubuo ang kidney stone sa ihi kapag nagiging sobrang concentrated ito dahil hindi umiinom ng tubig ng madalas ang pasyente. Nabubuo rin ito dahil sa mga kinakain. Ang mga oxalate, phosphorus at calcium na sobrang nagiging puro ay nabubuo na tila kristal. Ang mga pagkaing madalas na panggalingan ng kidney stone at ang spinach, tsokolate, mani, beets, at ang softdrinks.

Ang mga mas madalas na nagkakabato sa bato ay ang mga sobra sa timbang o obese. Sinasabi rin sa pag-aaral na mas maraming lalaki kaysa sa babae ang nagkakabato sa bato. Mayroon namang namamana o galing sa lahi na tinatawag at nagkakaroon ng hypercalciuria o masyadong maraming calcium sa ihi.

Ang mga pasyenteng may cystic kidney disease, gout, pamamaga ng malaking bituka at ang mga sumailalim sa gastrointestinal tract surgery ang madalas ding nagkakaroon ng bato sa bato.

Kapag umiinom din ng gamot tulad ng diuretics, calcium-based antacid, protease inhibitor indinavir para sa HIV at anti-seizure na gamot na topiramate, maaari ring magkaroon ng bato sa bato.

Ang payo ng aking kaibigang doktor na si Dr. Sonny Viloria, uminom ng 4 na baso ng maligamgam na tubig pagkagising pa lang sa umaga. Makakatulong din ang sambong sa mga palaging may kidney stones o lumalaking bato sa bato. Magpakulo rin daw ng pinagsama-samang dahon ng banaba, buhok ng mais at ugat ng cogon, at gawin itong tsaa sa umaga para mapalabas ang bato sa bato.

Bawasan din ang pagkain ng maaalat, itlog, lamang dagat at isda na nakakapagpapataas ng uric acid.

At para sa kidney stone formers, bantayan din ang pag-inom ng Vitamin C. Kapag napasobra kasi, maaari itong maging oxalate at bubuo ng bato sa inyong bato.

Mahirap din kasi kapag hindi nadaan sa natural na paraan ang pagpapalabas ng bato sa bato o pag-iwas sa pagkakaroon nito. Baka kailanganin nating maoperahan.

The post Mapapaluhod ka sa sakit first appeared on Abante Tonite.