Tatlo katao ang pumanaw sa pagsalpok ng isang tanker truck sa dalawang tricycle sa Mariveles, Bataan nitong Lunes.
Sa report, may anim pa na sugatan sa nangyaring aksidente alas-7:30 ng umaga sa kahabaan ng bypass road sa Brgy. Baseco.
Nakuhanan pa ng CCTV ang insidente kung saan sumalpok ang trak, na kargado ng idedeliber na produktong petrolyo, sa dalawang tricycle na nasa harapan nito, saka dumiretso sa isang bahay.
Kinaladkad ng oil tanker ang tricycle kung saan sakay ang drayber nitong si Eduardo Santos Jr., 46, ng Brgy. Maligaya. Dead on the spot si Santos.
Ang isa namang trike driver ay sugatan pero nasawi ang sakay nitong dalawang pasahero na sina Renne Lansangan at Retchen Atencio, kapwa residente ng Sitio Palao, Baseco.
May mag-ina ring nasugatan sa gilid ng kalsada, maging ang isang ginang na nakatira sa bahay kung saan bumangga ang trak.
Agad rumesponde ang Bureau of Fire Protection at inalis ang natapong diesel sa kalsada.
Samantala, patong-patong na mga kaso, kabilang ang multiple homicide, multiple physical injury at damage to property, ang kahaharapin ng drayber ng trak na si Joel Bonzato, 46-anyos, ng Limay, Bataan na sugatan din at kasalukuyang nagpapagamot sa ospital. (Kiko Cueto)
The post Bahay, tricycle inararo ng tanker, 3 dedo first appeared on Abante Tonite.
0 Comments