Bus, jeep, tren hayahay na sa dagdag-pasahero

Arangkada na sa Huwebes, Nobyembre 4, ang dagdag-pasahero sa mga pampublikong sasakyan katulad ng jeep, bus at maging mga tren.

Una nang inaprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang 70 porsiyentong kapasidad sa mga pampublikong sasakyan simula sa Huwebes.

Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Mark Steven Pastor, epektibo ito sa Metro Manila at sa mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal bilang paghahanda na rin umano para sa nalalapit na Kapaskuhan.

Aniya, pinapayagan na rin tumayo sa mga bus pero isa lang ang nakaupo sa bawat hilera at dapat sa tabi ng bintana nakaupo ang ibang pasahero.

“Ngayon nasa Alert Level 3 na ang Metro Manila, mas maraming negosyo ang pinayagan na magbukas at mas marami rin po ang ating mga kababayan na lumalabas kaya mataas na rin po ang demand for public transportation. Sa pag-aaral ng DOTr, ang kapasidad sa pampublikong transportasyon ay walang diretsong kinalaman sa bilang ng COVID-19 cases,” paliwanag ni Pastor.

Nilinaw naman ng opisyal na pilot testing pa lang ang gagawing pagtaas ng kapasidad at sakaling maging epektibo ay itotodo na sa 100 porsiyento ang maaaring isakay na mga pasahero ng mga pampublikong sasakyan.

Pinayagan na rin aniya na alisin ang plastic barrier dahil sa ginawang pag-aaral ay wala umanong medical finding na iwas-hawa ito sa COVID sa halip ay posible pang dikitan ng virus.

“Maaari na po itong tanggalin ng mga driver at operator dahil wala rin hong medical findings ‘yong aming pag-aaral na ito ay makakapagpa-iwas sa paghawa ng COVID-19, bagkus ito ay maaari pang kapitan po ng virus because of the plastic material,” dagdag pa ni Pastor.

Nauna rito, inihayag ng isang transport group na nais nilang madagdagan ang bilang ng mga pasahero kapalit ng hindi paghirit ng taas-pasahe sa gitna na rin ng patuloy na pagmahal ng presyo ng langis. (Dolly Cabreza)

The post Bus, jeep, tren hayahay na sa dagdag-pasahero first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments