Nanlambot ang isang empleyado ng Department of Education (DepEd) na nahawa ng COVID-19 noong Abril nang makita niya ang theke para sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) reimbursement.
Sa Facebook post ni Joan Latagan noong Linggo, kinuwento niyang 16 na araw siya sa ospital dahil sa COVID at nahawa pa ang kanyang anak na 10 araw ding nasa pagamutan.
Tweet ng anak niyang si Cleo@cleoghorl, P1.3 milyon ang kanilang binayaran sa ospital ngunit tig-P15,000 lamang ang ni-reimburse ng PhilHealth sa kanila.
“Pagkatapos ng struggle to survive, and next na eksena ay struggle to pay our hospital bills,” kuwento ni Latagan. “Can I just be honest? Ang laki ng binayaran naming mag-ina sa hospital, as in napakalaki, mahigit isang milyon.”
Aniya, nakakaiyak at nakapanlulumo ang nakita niyang tseke ng kanilang Philhealth reimbursement na P15,000 ang isa o P30,000 sa kanilang mag-ina.
Hanggang P786,384 ang maaaring i-claim sa PhilHealth ng mga naospital dahil sa COVID at P43,997 dapat ang pinakamababa kada tao. Para sa mga nilalagy sa isolation facility at hindi malala ang sakit, P22,449 dapat ang sinasagot ng PhilHealth.
“Bakit? Nasaan na ang COVID compensation package ng gobyerno? Bakit ganito kaliit ang discount naming mag-ina? Naubos na ba talagang itakbo ng mga corrupt?” sabi ni Latagan.
Natuwa umano si Latagan nang sinabihan siya ng kanilang personnel unit na maaari siyang mag-claim sa Employers Compensation Commission para sa panahong hindi siya nakapasok sa trabaho mula sa Government Service Insurance System (GSIS).
“Excited akong pumunta sa opisina nila to claim my check. Hahaha, nakakaiyak na nakakatawa na nakakagalit ang amount na binigay sa akin as way of compensation: Php 3,200,” kuwento niya.
“This is not about money. Hindi ako mukhang pera. Tagal na akong mahirap, sanay na ako. Pero grabe lang,” sabi ni Latagan. (Eileen Mencias)
The post DepEd staff na-COVID, kawawa sa PhilHealth first appeared on Abante Tonite.
0 Comments