Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang mga moviegoer na kumain muna bago pumasok sa mga sinehan dahil ipinagbabawal pa ang pagkain habang nanonood ng mga pelikula.
Ayon kay DOH Usec. Maria Rosario Vergeire, simula ngayong araw ay magsisimula na ang limitadong pagbubukas ng mga sinehan matapos ilagay sa Alert Level 3 ang quarantine status ng National Capital Region (NCR).
Nabatid na ang mga moviegoer ay kailangang naka-one seat apart at may suot na face mask.
“At least, dapat hindi pupwedeng kumain sa loob ng sinehan sa panahon ngayon,” ani Vergeire.
“Dahil kapag kumain kayo sa loob ng sinehan, ibig sabihin, maghuhubad kayo ng face mask at face shields at maaaring magkaroon kayo ng increased risk for having infection kung merong taong [infected].”
Sinabi ni Vergeire na ang desisyon ng IATF na pagluluwag sa NCR ay binase sa siyensiya.
Ayon sa Cinema Exhibitor Association of the Philippines, P21 bilyon ang nalugi sa mga sinehan mula Marso 2020, kung kailan sila nagsara dahil sa pandemya. (Juliet de Loza-Cudia)
The post Tsibog bawal sa sinehan – DOH first appeared on Abante Tonite.
0 Comments