Bodega ng gadget nagliyab, 2 sugatan

Dalawa katao ang nasugatan nang sumiklab ang isang sunog sa isang warehouse ng mga gadget sa San Juan City nitong Lunes.

Batay sa ulat ng San Juan City BFP, pasado alas-tres kahapon ng madaling-araw nang magsimulang sumiklab ang sunog sa ikaapat na palapag ng commercial building na matatagpuan sa S. Veloso St., Brgy. Salapan.

Dakong alas-3:41 ng madaling-araw itinaas ang sunog sa unang alarma. Umabot ng ikalawang alarma ang apoy bago tuluyang idineklarang fire out alas-5:45 ng madaling-araw.

Dalawang katao naman na hindi pa nakuha ang pagkakakilanlan ang iniulat na nasugatan sa sunog, kabilang ang isang security guard na nagtamo ng first-degree burn, at isa pang nasaktan sa bukung-bukong nang tumalon mula sa gusali.

Inaalam pa ang halaga ng mga ari-ariang tinupok ng apoy na tuluyang naapula alas-7:12 ng umaga. (Dolly Cabreza)

The post Bodega ng gadget nagliyab, 2 sugatan first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments