Pinaplantsa na ng Department of Health (DOH) ang mga panuntunan para sa pagbibigay ng booster shot sa mga bakunadong lumampas na sa anim na buwan at posibleng isagawa ito ngayong Nobyembre o sa Disyembre.
Ito ang inihayag ni Dr. Rontgene Solante, infectious disease specialist ng San Lazaro Hospital at miyembro ng vaccine expert panel, kaugnay sa inaantabayanang booster shot ng publiko laban sa COVID-19.
Ayon kay Solante, hinihintay na lamang ang guideline para sa rollout ng booster shot at kung kailan ang eksaktong takdang panahon para mailarga ito.
Uunahin sa booster shot ang mga healthcare worker na siyang nangunguna sa paglaban sa pandemya.
“Ang hinihintay na lang natin iyong implementing guideline ng Department of Health kung kailan ito maipatupad at paano ang rollout nito. Anytime soon, ang sinabi naman ng DOH ay hopefully by November or December we can start with the first batch which are the healthcare workers,” ani Solante.
Ang booster shot aniya ay ibinibigay anim na buwan pagkatapos ang full dose ng isang indibiduwal at napatunayang mapapanatili nito ang bisa ng antibody na nakuha mula sa dalawang naunang dose ng COVID vaccine.
Nilinaw ni Solante na magkaiba ang booster shot sa third dose ng bakuna.
Ang third dose aniya ng COVID vaccine ay ibinibigay sa mga may mga sakit o immunocompromised kaya kinakailangan ang pangatlong turok ng bakuna.
“`Yong third dose ay para doon sa immunocompromised na nakitaan na kulang `yong dalawang dose, dapat kumpletuhin `yong third dose,” dagdag ni Solante.
Pero sinabi ng eksperto na kailangang mabakunahan muna ang target na 70% ng populasyon bago mailarga ang booster shot at third dose.(Aileen Taliping)
The post Booster shot larga bago mag-Pasko first appeared on Abante Tonite.
0 Comments