Aktor wanted sa pekeng relo, nakaw na SUV

Tinutugis ngayon ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang aktor na si Jace Flores, at partner nito dahil sa reklamong estafa.

Si Flores, kilalang si Reynaldo ‘Jace’ Chanco Flores sa tunay na buhay, at kinakasamang si Doriz May Santos, ay inireklamo dahil sa umano’y pagbebenta ng pekeng relo at umano’y pagsasangla ng nakaw na sasakyan.

Nalaman na noong Hunyo, ibinenta ni Flores kay Jessie Reyes Gay, isang casino financier, ang isang mamahaling relo.

Ayon kay Gay, nabighani siya dahil ang presyo ng Swiss watch na Audemars Piguet ay nagkakahalaga ng P3 milyon pero ibinebenta lamang ito ng mga suspek sa halagang P300,000.

Nagtiwala umano siya sa aktor kaya binayaran niya kaagad bago niya pinatingnan kung peke o hindi sa service center ang nasabing relo.

“Actually, nagbayad pa kami doon [authorized service center] nang P3,000 to check kung legit or fake. Pagtingin pa lang noong sa store, alam na agad na fake,” saad ni Gay.

Nang matiyak na peke ang biniling produkto mula sa aktor ay nagsampa na siya ng reklamo sa NBI laban sa magdyowa.

Nalaman na bukod kay Gay ay may iba pa umanong nabiktima ang mga suspek, kabilang na ang OFW na si Anna Marie Margarejo, isang dealer ng mga alahas at relo sa Singapore na naghain na rin ng reklamo laban sa dalawa.

Nalaman na kinunan siya ng mga suspek ng pares ng Rolex na relo na nagkakahalagang halos P500,000 at matapos makapag-down ng P100,000 ay hindi na nagpakita ang mga suspek.

Nabiktima rin umano ng aktor at dyowa niya ang talent manager na si Len Carillo, matapos na magsangla ng isang SUV na galing pala sa nakaw.

Hindi na umano makita ang mga suspek at hindi na rin makontak sa kanilang mga cellphone.

Sinubukang humingi ng Tonite ng pahayag mula sa kampo ni Flores ngunit nabigo kami. (Juliet de Loza-Cudia)

The post Aktor wanted sa pekeng relo, nakaw na SUV first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments