Dahil sa ayudang pinambili ng alak, patay ang isang lalaki matapos undayan ng saksak ng nakababatang kapatid habang nagtatalo sila sa Allacapan, Cagayan nitong Lunes.

Kinilala ng Allacapan Police Station (APS) ang biktima na si Ador Castro, 43-anyos, magsasaka, ng Brgy. Dalayap ng nasabing bayan.

Samantala, ang suspek ay ang kanyang nakababatang kapatid na si Jefferson Castro, 18, ng nasabi ring barangay.

Ayon sa APS, kamakalawa ay pinagsabihan ni Ador ang kanyang ama na mali ang paggastos nito sa natanggap na ayuda mula sa provincial government. Ipinambili kasi ang ayuda ng alak na naging dahilan ng pagtatalo ng mag-ama.

Namagitan si Jefferson at iba pang kamag-anak hanggang sa ang dalawang magkapatid ay humantong sa mainitang pagtatalo.

Dito, kinuha ni Ador ang itak at inatake si Jefferson. Tapos, sinaksak ng mas batang Castro ang kanyang kuya sa tagiliran nito gamit ang kitchen knife.

Agad dinala ang kuya sa ospital ngunit siya ay dead-on-arrival, ayon sa mga medical expert.

Sumuko naman ang nakababatang kapatid sa pulisya pagkatapos ng pananaksak at nakakulong ngayon sa APS jail. (Allan Bergonia)

The post Kuya tinodas ng utol sa away-ayuda first appeared on Abante Tonite.