Most wanted sa Bulacan, 20 pa hinawla

Nadakip ang isa sa mga Most Wanted Person (MWP) sa Bulacan habang 20 iba pa, kabilang ang 12 drug suspect, ang nakorner ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pinaigting na anti-criminality ng Bulacan PNP kamakalawa.

Kinilala ni P/Col. Manuel Lukban Jr., Acting Provincial Director ng Bulacan PNP, ang naarestong si Jaime Manguiran, residente ng Purok 4, Barangay Santor, Malolos City na nakakulong ngayon matapos madakip ng awtoridad sa bisa ng warrant of arrest na inis­yu ni Judge Francisco Beley ng Malolos RTC dahil sa kasong rape na walang inirekomendang piyansa.

Dakong ala-1:30 ng hapon nitong Sabado nang masakote ng tracker team ng Malolos City Police at 1st Provincial Mobile Force Company ng Bulacan PNP ang suspek.

Samantala, 12 drug pusher ang nadakip ng operatiba ng SDEU ng mga bayan ng Guiguinto, Bocaue, Pulilan, Sta. Maria, Hagonoy, San Rafael, at San Jose del Monte City sa serye ng buy-bust operation at nakarekober ang awtoridad ng kabuuang 58 pakete ng shabu, drug paraphernalias, at mga buy-bust money.

Tatlo pang wanted­ at limang sugarol ang nakorner sa mga ope­rasyon sa Pandi, Sta. Maria, Angat, at San Rafael. Pawang nakakulong ngayon ang mga naares­tong suspek. (Jun ­Borlongan)

The post Most wanted sa Bulacan, 20 pa hinawla first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments